Duterte Senatorial Candidates, mas pinaiigting ang kampanya sa buong bansa habang papalapit ang halalan

Duterte Senatorial Candidates, mas pinaiigting ang kampanya sa buong bansa habang papalapit ang halalan

MANILA, Philippines — Mas pinaigting ng mga kandidatong senador na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kampanya sa buong bansa, habang papalapit na ang halalan. Isinapinal na ang iskedyul ng mga grand rally, motorcade, at iba pang aktibidad na layong maabot ang mas maraming Pilipino at maiparating ang kanilang adbokasiyang nakasentro sa malasakit, disiplina, at makabayang pamumuno.

Simula Abril 23 hanggang Mayo 9, sunod-sunod na aktibidad ang isasagawa ng tinaguriang Duterte Senatorial Candidates o DuterTEN, tampok ang mga kilalang personalidad na patuloy na isinusulong ang mga nasimulan ni dating Pangulong Duterte.

Magbubukas ang serye ng mga aktibidad sa isang GRAND RALLY sa Sogod, Southern Leyte sa Abril 23, na susundan ng malaking pagtitipon sa Iloilo City, Panay sa Abril 25. Sa Abril 27 naman ay inaasahang dadagsain ang rally sa Mangaldan, Pangasinan, sa pangunguna nina Atty. Raul Lambino at ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Sunod-sunod na motorcade naman ang ikinakasa sa Bataan (Abril 28), Valenzuela to Bulacan (Abril 30), at Cavite mula Bacoor hanggang Trece Martires (Mayo 2). Ipagdiriwang din ng grupo ang Labor Day sa Liwasang Bonifacio sa Maynila sa Mayo 1, kung saan inaasahan ang malaking pagtitipon ng mga manggagawa.

Pagpasok ng Mayo, tuloy-tuloy ang kampanya sa Visayas at Mindanao, kabilang ang grand rally sa Butuan City sa Mayo 3. Balik-Kamaynilaan naman ang motorcade sa Quezon City (Mayo 4), Makati–Pasay–Taguig (Mayo 5), grand rally sa Pasig (Mayo 6), at Muntinlupa City (Mayo 7).

May tentative na rally rin sa Quezon City sa Mayo 8, depende sa pinal na iskedyul ng Miting de Avance, na maaaring ganapin sa Mayo 8 o 9 sa Maynila sa pangunguna ng PDP-Laban.

Ayon sa mga organizer, layunin ng mga rally na ipagpatuloy ang legasiya ng Duterte administration—matatag na pamahalaan, disiplina, serbisyo sa masa, at tunay na aksyon kontra droga at kriminalidad.

Kasama sa mga tampok na personalidad sa mga pagtitipon ay sina Senators Bong Go, Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, Atty. Raul Lambino, Jimmy Bondoc, Philip Salvador, Atty. Jayvee Hinlo, Rep. Rodante Marcoleta, Atty. Vic Rodriguez, Pastor Apollo C. Quiboloy, At Dr. Richard Mata.

Sa harap ng papalapit na halalan, umaasa ang kampo ng Duterte candidates na muling pagkakatiwalaan ng taumbayan ang mga kandidatong handang ipaglaban ang interes ng bansa, at magsilbing tulay ng malasakit sa bawat Pilipino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble