SA kuha ng CCTV, makikita ang limang magkakaibigan na nagmemeryenda, nang bigla na lang lumapit ang isang lalaki at pinaputukan ang dalawang lalaking nakaupo.
Agad na nasawi ang isa sa kanila habang ang isa naman ay idineklarang dead on arrival sa ospital.
Kinilala ang mga biktima na sina Rey Allen De Jose, 20 taong gulang, at Jerrick Castillo, 23 taong gulang—magkaibigan at pawang mga criminology student.
Sa salaysay ng kapatid ng isa sa mga biktima na si John Paul Castillo, na nakasaksi sa mismong krimen, nagtanong muna ang lalaking nakaitim kung sino daw ang nakaaway ng kaniyang anak, bago ito nagpaputok. Agad naman silang nagtakbuhan sa takot na madamay.
Ayon sa naiwan na pamilya ng mga biktima, napagkamalan lang ang kanilang mga anak. Kaya panawagan nila, makamit ang hustisya.
Tukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan sa suspek na pormal nang sasampahan ng kasong two counts of murder. Dawit din ang asawa at anak nito na kasama umano niya nang isagawa ang pamamaril.