SA pamamagitan ng e-Report ay puwedeng isumbong ang anumang concerns tulad ng scam report, pekeng produkto, anumang pang-aabuso, red tape, at iba pa.
Ito ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary for e-Government David Almirol Jr., ay isang unified one-stop shop sa reporting ng mamamayan.
“Halimbawa na-scam ka, puwede kang mag-click ng scam report, ang makaka-receive n’yan ang DICT-CICC para rumesponde. Kung ikaw naman ay nakabili ng pekeng products, puwede ka ring magreklamo doon, pumunta ka sa e-commerce complain.”
“’Pag mag-report ka naman ng red tape, ang ARTA naman ang reresponde,” wika ni David Almirol, Jr. Undersecretary for e-Government, DICT.
Dagdag ni Almirol, binibigyan ng DICT ng kaniya-kaniyang sistema ang mga ahensiya para matanggap ang iba’t ibang concerns ng mamamayan.
Paliwanag ng opisyal, may iisang paraan o sistema sa pag-report subalit ang responsibilidad sa pagresponde o pagtugon sa mga problema ay nakahiwalay o nakatoka sa iba’t ibang ahensiya.
“Naka-decentralized ‘yan. Kung nagreport halimbawa—crime, PNP ang reresponde, nagreport ka ng, later on ‘pag in-activate natin ang Fire, ang reresponde naman d’yan ay ang BFP. Kung baga unified ang ating reporting, pero naka-decentralized ang ating response,” ani Almirol.
Kaugnay rito, inanyayahan ng DICT ang mamamayan na mag-download ng eGov PH.
Ito umano ay isang hakbang na magkaroon ng one-stop shop upang hindi na kailangang pumila at pumunta pa sa respective government agencies.