ISANG barko ng China Coast Guard ang umano’y gumamit ng water cannon at binangga ang isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Pilipinas sa Sandy Cay 2 malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea noong Mayo 21.
Sa isang pahayag, sinabi ng BFAR na nagsagawa noon ang kanilang BRP Datu Sanday at BRP Datu Pagbuaya ng isang routine mission lulan ang scientific team upang mangolekta ng mga sand sample sa lugar bilang bahagi ng isang proyekto sa marine scientific research.
Saad pa ng BFAR, ang nasabing insidente ang kauna-unahang paggamit ng water cannon laban sa mga research vessel ng DA-BFAR sa lugar ng Pag-asa Cays.
Ang China naman ay may tugon sa usaping ito.
Ayon kay Liu Dejun, tagapagsalita ng China Coast Guard, dalawang barko ng Pilipinas ang pumasok sa katubigan malapit sa Zhubi Jiao at Tiexian Jiao noong Miyerkules, nang walang pahintulot mula sa gobyerno ng China.
Tinuligsa ng CCG ang mga ilegal na gawain ng Pilipinas sa paligid ng nabanggit na Chinese reefs, na itinuturing nilang paglabag sa soberanya ng China, sabay hinimok ang Pilipinas na agad na itigil ang mga ganitong paglabag.
Giit pa ng Bejing, may ilang tauhan din na ilegal na lumapag sa isang bahura nito.
Sinabi ni Liu na nagsagawa ang mga enforcement personnel ng CCG ng mga hakbang laban sa mga barko, kabilang ang paglapag sa reef.
Hinarap aniya ng China ang sitwasyon sa isang legal na paraan, makatarungan at propesyonal na pamamaraan.
Gayunpaman, ang isang barko ng Pilipinas, kahit na nakatanggap ng mga seryosong babala mula sa panig ng China, ay peligrosong lumapit sa isang barko ng CCG habang gumaganap sa tungkulin nito—dahilan upang magkaroon ng banggaan sa pagitan ng dalawang sasakyang-dagat.
Sabi ng China, ang Pilipinas ang may ganap na pananagutan sa naturang insidente.
Binigyang-diin din ni Liu na teritoryo ng China ang Nansha Qundao o kilala ring Spratly Islands na bahagi ng South China Sea at ang mga katabing tubig nito.
Idinagdag ng Chinese official na labag sa “Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea” ang mga aksiyon ng Pilipinas.