Angara, Binay ipinaalala ang mga dating isyu ng kurapsiyon sa NFA kaugnay sa rice importation

Angara, Binay ipinaalala ang mga dating isyu ng kurapsiyon sa NFA kaugnay sa rice importation

BUKOD kay Sen. Cynthia Villar at Imee Marcos ay may pag-aalinlangan din sina Sen. Sonny Angara at Sen. Nancy Binay sa nais na pag-amenda ng Rice Tariffication Law (RTL) sa parehong dahilan – at ‘yun ay ang kurapsiyon.

Sa Kamara kasi ay una nang sinabi na para bumaba ang presyo ng bigas ay nais nitong ibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihan sa pagbili at pagbenta ng bigas. Habang sa Department of Agriculture (DA) ay nais nito na ibalik ang kapangyarihan na makapag-import sa ilalim ng hindi pa nasaad na ilang kondisyon.

Kapag nasunod ang mga nasabing panawagan ay posible umano na bababa sa P30 per kilo ang presyo ng bigas.

Sa isang interview araw ng Huwebes ay naghayag ng pagkabahala dito sina Sen. Angara at Binay. Anila hindi maganda ang record ng NFA noon pagdating sa rice importation.

“When the NFA was given the power to grant quotas to import, grabe ang corruption jan, grabe ang kita jan. So, I don’t know if we want to return to that kind of a system. Kasi if ‘yung goal natin is to lower the price of rice we should look at other ways because ‘yung mga lumang paraan parang medyo pag-isipan natin ‘yun,” wika ni Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara.

“Kasi for the longest time tuwing may pumuputok na rice smuggling laging lumalabas ‘yung ahensya ng NFA. Kasi parang ‘yung technical smuggling. Dahil sila nga ‘yung nag-iissue ng import permits mukhang naabuso ‘yung power na ‘yun eh. ‘Di ba ‘yung time na ‘yan sobrang talamak ang problema natin sa rice smuggling,” ayon naman kay Sen. Maria Lourdes ‘Nancy’ Binay.

Nang tanungin kung ang hinihiling na pag-amyenda sa RTL ay agad ba na makalulusot sa Senado ay sinabi ni Angara na dadaan ito ng pagbusisi.

“I think the Senate has a choice. Of course, the Senate always has a choice. Of course, it is very persuasive, ‘yung certification. But it is something na dadaan talaga sa matinding debate sa palagay ko,” dagdag ni Angara.

Pinuna rin ng senador ang ginagawa noon na pag-iimport ng NFA kung saan inaanunsiyo pa nito kung ilang tonelada ng bigas ang kailangan.

“And then you also see in the past also, it is not very good system because mag-a-announce tayo sa mundo na bibili tayo ng bigas, eh ‘yung announcement pa lang na ‘yun eh tataas na ang presyo. You know it goes against the sound principles of economics. Pag-isipan na lang muna natin di ba? diin ni Angara.

Ibinahagi naman ni Sen. Binay ang kaniyang pagkagulat noon sa NFA. Minsan kasing nangyari na mamimigay sana siya ng bigas sa mga biktima ng kalamidad ngunit wala siyang mabili sa NFA dahil sa wala na umanong stock. Ngunit laking gulat na lang niya nang malaman niya kalaunan na binenta ito sa mga rice trader.

Sa kasalukuyan, hindi kasama sa mandato ng NFA ang magbenta ng bigas.

“Nagulat ako kasi for the first time in 11 years, sinabihan ako ng NFA na ubos na raw ang bigas nila doon sa bodega. Di ba nakakagulat, kasi supposedly may buffer stock pa sila. And a few months after pumutok ang issue na binenta ng NFA ng palugi sa traders itong mga bigas,” dagdag ni Sen. Binay.

Batay sa pinakahuling pahayag ni House speaker Martin Romualdez nais nilang ipasa ang amyenda sa Rice Tariffication Law sa buwan ng Hunyo. Ito ay isang buwan bago ang State of the Nation Address ng Pangulong Marcos.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble