INUTOS na ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang agarang imbestigasyon sa umano’y “maternity leave” scam.
Hindi papayagan ni VP Sara Duterte na magkaroon ng anumang scam sa Department of Education (DepEd).
Ito ang tiniyak ni Education spokesperson Michael Poa kasunod ng pagputok ng umano’y maternity leave scam na ibinunyag ng isang opisyal ng DepEd Taguig and Pateros.
Imbestigasyon sa umano’y maternity leave scam, gumugulong na -DepEd
Bumuo na ang DepEd ng fact-finding committee para imbestigahan ang umano’y “maternity leave” scam.
Sa ngayon ayon kay Poa ay biniberika pa nila ang mga nakalap na impormasyon batay sa kanilang records.
Una nang ibinunyag sa isang TV interview ni DepEd Taguig and Pateros Curriculum Implementation-Division Head, Dr. Ellery Quintia ang tungkol sa nasabing isyu.
Aniya, isang guro ang nakatanggap umano ng mula ₱35,000 hanggang ₱61,000 mula 2016 hanggang 2019 matapos umanong magfile ng 11 beses na maternity leave sa loob ng 3 taon.
Umapela naman si Poa sa mga gurong may alam sa nasabing isyu na pumunta sa tanggapan ng DepEd at maghain ng kani-kanilang testimonya.
Sa ngayon ani Poa wala pang personnel mula sa nasabing DepEd Division ang dumulog sa kanila nang pumutok ang isyu sa umano’y ‘maternity leave scam’.
Para kay Poa, mas mainam na magsumbong diretso sa DepEd kung may mga ganitong isyu upang agad sanang maimbestigahan.
Dagdag ni Poa na bukas din ang hotline ng DepEd para sa mga guro na nais magsumbong o ipaalam ang kanilang mga hinaing.