IGINIIT ni Atty. Israelito Torreon na walang legal na basehan para ituloy pa sa susunod na Kongreso ang proceedings sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Kahapon, inaprubahan ng Senado ang mosyon na i-remand o ibalik sa Kamara ang nasabing reklamo para sa pagpapalabas ng certification kung nilabag o hindi ang one-year ban sa paghahain ng impeachment laban sa bise presidente.
Napag-alaman na may tatlong impeachment complaint na isinampa laban kay VP Sara sa Kamara noong 2024, at may ika-apat pang reklamo na inihain noong Pebrero 2025.
Ang ika-apat na reklamong ito ang siyang inakyat sa Senado para pagdesisyunan bilang impeachment court.
Sa supplemental petition na inihain ni Torreon sa Korte Suprema, binigyang-diin nitong dapat nang ipawalang-bisa o tuluyang ibasura ang Articles of Impeachment.
Binigyang-diin ni Torreon na kapos sa panahon ang natitirang session para magkaroon ng patas na paglilitis.
Bukod dito, aniya, walang sapat na beripikasyon na ginawa sa reklamo—na malinaw ang paglabag sa bahagi ng Kamara.
Dahil dito, suportado niya ang hakbang na ibalik sa Kamara ang impeachment complaint.
Paglilinaw ni Torreon, naisumite niya ang petisyon bago pa man i-remand ng Senado ang impeachment complaint pabalik sa Kamara.
Dagdag pa niya, magsusumite rin sila ng manifestation sa Korte Suprema kaugnay ng bagong development sa Senado.