TALIWAS sa mga kumakalat na tsismis online na posibleng aarestuhin daw ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay muling iginiit ng isang dating opisyal ng palasyo na hindi pwedeng arestuhin ng ICC si Duterte.
Bukod sa walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas, wala ring batas sa bansa na magpapatupad ng pag-aaresto dahil hindi ito nakalathala sa official gazette.
‘’Paano ka magkakaroon ng jurisdiction, yung batas na limukha sa ‘yo, ICC, ay hindi naman na-publish sa Official Gazette. Kasi sa ating Saligang Batas at sa ating kodigo sibil, kailangan ang isang batas, bago mo ipatupad, kailangan ay, malaman ng tao kung bakit bawal ang isang bagay at makukulong ka ‘pag nilabag mo,’’ ayon kay Atty. Salvador Panelo.
ARTICLE 2. Laws shall take effect after fifteen days following the completion of their publication either in the Official Gazette or in a newspaper of general circulation in the Philippines, unless it is otherwise provided.
Mahalaga ani Panelo na mailathala ang batas sa official gazette dahil maaaring magamit ito bilang depensa ng akusado.
Ito’y para hindi siya arestuhin ng awtoridad sa anumang inaakusa laban sa kanya.
Dagdag pa nito, hindi rin magiging posible kung ang INTERPOL ang magsasagawa ng pag-aresto.
‘’Ang International Police Organization (INTERPOL) ay inorganisa para lang ‘yung mga miyembrong bansa, magtulungan, kung meron silang hinahanap na bilanggong tumakas o isang tao na may mandamiyento de aresto doon sa iba’t ibang bansang miyembro. Kumbaga, yung organisasyon na iyan, ay magbibigay lamang ng impormasyon pero hindi ang INTERPOL ang aaresto, ang aaresto pa rin ng bilanggong hinahanap ng isang bansa ay yung gobyerno,’’ saad ni Atty. Panelo
Matatandaang kumalat ang maling impormasyon online na may mga ulat na aarestuhin ang dating pangulo sa utos ng ICC. Ang ICC ay matagal nang walang hurisdiksyon sa Pilipinas mula nang kumalas ito noong 2019.