SA wakas ay natunton na ng Pag-abot Team ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang babaeng lumabas mula sa isang imburnal sa kanto ng Rufino at Adelantado Streets sa Salcedo Village, Barangay Bel-Air, Makati City nitong Huwebes, Mayo 29.
Matapos ang insidente, Mayo 28 agad na nagsagawa ng paghahanap ang DSWD para matukoy ang kalagayan ng babae.
Ayon sa ahensiya, kasalukuyan na siyang kinakausap para sa masusing pagsusuri at pagkakaloob ng nararapat na tulong tulad ng pansamantalang masisilungan at iba pang interbensiyong naaayon sa kaniyang pangangailangan.
Bahagi ito ng Pag-abot program ng DSWD, kung saan ang mga social worker ay umiikot sa Metro Manila 24/7 para hikayatin ang mga indibidwal at pamilyang nasa lansangan na sumama sa kanila at makatanggap ng tulong para makabalik sa normal na pamumuhay.
Magugunita na naging usap-usapan online ang insidente matapos i-post ng netizen na si William Roberts sa Instagram ang larawan ng babae habang umaahon mula sa imburnal.
Patuloy ang imbestigasyon at pagtugon ng mga kinauukulan para matiyak ang kapakanan ng babaeng sangkot sa insidente.