Bagong banknotes, nakatakdang ilabas ng Japan sa Hulyo 2024

Bagong banknotes, nakatakdang ilabas ng Japan sa Hulyo 2024

MAGLALABAS ng mga bagong banknotes ang Japan simula sa Hulyo ng susunod na taon gamit ang kanilang mga pinakabagong teknolohiya.

Sinabi ni Japanese Finance Minister Shunichi Suzuki nitong Miyerkules na plano ng bansa na ilagay sa sirkulasyon ang tatlong uri ng mga bagong banknotes sa Hulyo sa susunod na taon kasama na ang pinakabagong mga teknolohiya para sa anti-counterfeiting matapos suriin ang National Printing Bureau sa Tokyo.

Kabilang sa mga bagong banknotes ay 10,000-yen na nagtatampok kay Eiichi Shibusawa na kilala bilang ama ng kapitalismo sa Japan, 5,000-yen note na tampok si Umeko Tsuda isang educator na nagpasimuno sa mas mataas na edukasyon ng kababaihan, habang ang bagong 1,000 yen note naman ay magtatampok sa microbiologist na si Shibasaburo Kitasato na bumuo ng serum therapy para sa tetanus.

Kabilang din sa mga makabagong teknolohiya para maiwasan ang counterfeiting o ang pamemeke ng banknotes ay ang unang hologram sa mundo kung saan maipakikita na gumagalaw sa three-dimension ang mga larawan kapag ito ay nakatagilid.

Bukod sa watermarks feature ng mga portrait sa mga banknote, tampok din ang high-definition pattern na nilikha sa pamamagitan ng bahagyang pagbabago sa kapal ng papel nito.

Sa ngayon plano ng gobyerno ng Japan na mag-print ng 4.53 bilyong bagong banknotes sa katapusan ng Marso sa susunod na taon at ilagay ang kinakailangang halaga ng mga banknotes sa sirkulasyon simula sa Hulyo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter