DUMULOG ang isang estudyante sa Davao del Norte Provincial Government matapos mabiktima ng bagong modus sa pamamahagi ng ayuda mula sa national government.
Ayon sa estudyanteng nagpakilalang Kathleen, ‘di niya tunay na pangalan, binawasan aniya ng P9,000 ang cash assistance na kaniya sanang matatanggap mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kuwento pa niya, Oktubre 29 araw ng Linggo nang nangyari ang payout sa bayan ng Carmen Davao del Norte.
Noong una, okay pa aniya ang lahat dahil natanggap nila nang buo ang P10,000 na educational cash grant.
“Pagkatapos kong humawak ng 10-K, kinunan ko pa ng litrato, pero na-delete sa aking cellphone dahil lag ang aking cellphone. Kaya kinuhanan tapos pumunta kami sa isang kuwarto, parang conference room, at siya lang ang nagtanong kung taga-saan akong barangay. Pagkatapos, kinuha niya ang P9-K, na nag-iwan sa amin ng P1-K tapos exit na,” ayon kay Alyas Kathleen, Tumanggap ng bawas na ayuda.
Nang tanungin kung bakit siya pumayagg ang kaniyang sagot,
“Oo, kasi wala naman akong magagawa. Dahil ‘yun din ang pagkasabi sa akin na babawasan talaga nila,” dagdag ni Kathleen.
Mahigit sa 100 aniya sila na pumila noong araw na iyon.
At lahat aniya sila, napilitan lamang na ibalik ang P9,000 na ayuda dahil pinapasok sila sa isang silid bago maka-exit sa payout.
Nakarating kay Governor Edwin Jubahib ang nangyari.
“Marami sila nag-reklamo na ‘yung through Education Assistance Program so ang pinirmahan nila doon is P10,000. Natanggap nila ang P10,000 from DSWD personnel. Pero bago na naman sila makaalis doon sa venue, pinapasok sila sa isang kuwarto at doon kinuha ‘yung P9,000,” ayon kay Gov. Edwin Jubahib, Province of Davao del Norte.
Saad niya, hindi makatarungan ang ginawa sa mga estudyante lalo pa’t karapatan ng mga ito na makuha nang buo ang ayuda mula sa national government.
“Sapilitan pang kinuha dahil ayaw talaga nila ibigay dahil sayang ‘yun eh? P10,000. Pero sabi nila nakikiusap pa sila dahil kailangan nila itong pera. Pero pinilit talagang kinuha ‘yung P9,000. P1,000 na lang ang naibigay o nadala ng isang estudyante doon sa kanilang bahay,” dagdag ni Gov. Edwin Jubahib.
Bukod sa educational grant, pinapatos din ang mga ordinaryong mamamayan ng probinsiya sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) distribution din ng DSWD.
Sa P5,000 na AICS cash grant, kinukuha umano sa pay-out ang P4,000 at P1,000 na lamang ang naiuuwi ng mga benepisyaryo.
Dahil sa mga modus na ito, nanawagan si Gov. Jubahib sa national government na imbestigahan ang isyu.
Dahil garapalan aniya na ninanakawan dito ang taumbayan.
“Ang naging resulta ang mga beneficiary ay parang nililinis lang nila ‘yung pera. Na ‘yung pagnanakaw sa pera ng ating gobyerno maging legal. Dahil nga maging legal siya dahil may mga taong nag-receive, may tumanggap, siya ang nagpirma doon sa mga documents at may mga id sila. So ibig sabihin, legal yung pagdistribute. May beneficiary. Legal ang recipient, pero ‘yung pagnakaw atomatik dahil doon sa sapilitang pagkuha sa amount,” wika ni Gov. Jubahib.
May tugon na aniya dito ang Senado at naghihintay na lamang si Governor Jubahib ng schedule ng pagdinig.
Nanawagan naman ang opisyal sa mga kababayang nakaranas ng ganitong modus na i-report sa mga awtoridad ang sangkot.
Handa rin siyang tumulong kahit hindi taga- Davao del Norte ang mga lalantad na biktima.
“Mayroon na pong umaksyon na mga senators natin. Kagaya po ni Senator Joel Villanueva, Senator Koko Pimentel, Senator Bato. Umaksyon po sila dito at hiningi na po nila sa akin na mai-present po ang mga witnesses doon sa Senado at hinihintay na lang po natin ang Senate inquiry,” ani Jubahib.