IPINASARA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang operasyon ng bahay-ampunan na Gentle Hands Incorporated sa Quezon City.
Isang Cease-and-Desist Order ang ibinigay ng DSWD sa Gentle Hands Incorporated sa Brgy. Bagumbuhay, Project 4 Quezon City.
Ayon sa DSWD, hindi nakasusunod sa minimum standards para sa residential facility para sa mga bata, paglabag ito sa Republic Act No. 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination).
Sa press briefing na inorganisa ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na pinasara nito ang Gentle Hands Incorporated dahil sa iba’t ibang mga paglabag.
Una nang nagsagawa ng surprised visit ang kalihim sa private orphanage at nakumpirma ang natanggap na reklamo.
Kabilang sa violations ng nabanggit na bahay-ampunan, ani Gatchalian, ang paglabag sa standard living condition dahil ito ay overcrowded na mayroong 149 na bata.
“Ventilation was an issue. Kasi ang nangyari dito, they over capacitated the orphanage, it’s a privately run orphanage, 80 lang ang rating niya, but they are running at a 149 or 150 plus – 149 actually to be exact. And of the things that struck me, is that it’s overpopulated, kasi they are running it beyond their allowed occupancy,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, DSWD.
Isa rin sa violations na nakita ng DSWD ay pagdating sa fire safety concerns dahil sa obstructed fire exit.
May paglabag din sa hygiene o living standards ang Gentle Hands Incorporated.
Isa rin sa natuklasan ng DSWD ang absence ng social workers sa kasagsagan ng spot monitoring noong Sabado kung saan base sa protocol, 24/7 dapat ang monitoring ng social worker sa pasilidad.
“Bawal ako pumasok, kasi wala raw doon iyong mga houseparent, wala doon iyong mga guardians, wala doon lahat, eh bakit mayroong adult male Caucasian just walking freely unsupervised? How do I say unsupervised, kasi that’s the same reason to me eh! So, we finally got in, they escorted us in and true enough wala iyong mga houseparent, wala iyong mga social worker, then later on dumating iyong resident psychologist nila,” saad ni Gatchalian.
Kaugnay rito, sinabi ni Gatchalian na binigyan nila ng 20 araw para magpaliwanag ang pamunuan ng Gentle Hands Inc.
“So that is why we move our cease and desist, but giving them 20 days to answer our findings and also to fix whatever they need to fix. But in the interim, we have to protect the children,” ani Gatchalian.
Matapos makita ni Gatchalian na nasa imminent danger ang mga bata, nagpasiya ang kalihim na ilipat ang 149 na bata sa pasilidad ng ahensiya.
Binigyang-diin naman ng DSWD chief na ipinapairal lamang nila ang kapangyarihang protektahan at pangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan.