NADAGDAGAN pa ang bilang ng mga mag-aaral para sa School Year 2023-2024.
Batay sa huling datos ng Learner Information System ng Department of Education, nasa mahigit 25.1 milyon na ang nagparehistro na mga mag-aaral para sa bagong taong panuruan.
Sa nabanggit na bilang, pinakamarami ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 3,722,481; sinusundan ito ng Region III (2,790,907) at NCR (2,616,703).
Habang ang Alternative Learning System (ALS) ay nakapagtala ng 233,554.
Samantala, kasabay naman ng pagsisimula ng SY 2023-2024, pinasinayaan ng Kagawaran ng Edukasyon sa pangunguna ni Bise Presidente at Kalihim Sara Z. Duterte, ang classroom buildings sa dalawang Last Mile School (LMS) sa Cebu.
Kasabay ito ng mga pinasinayaang mga gusali rin sa 13 pang mga LMS sa Cebu, Bohol, Ormoc City, Talisay City, Baybay City, Maasin City, Leyte, Danao City, at Negros Occidental.
Layunin ng LMS program na magtatag ng mga paaralan na may higit apat na bagong classrooms, furniture, kuryente, tubig, internet connection, computer, at iba pang mahahalagang kagamitan para sa pag-aaral.