NATAGPUAN sa hukay ang binatilyo na dinukot umano ng communist terror group (CTG).
Wala ng buhay nang makita muli ng pamilya ni Mark Angelo Asuncion, 22 taong gulang mula sa Gonzaga, Cagayan ang kaniyang katawan matapos itong dukutin umano ng communist terror group (CTG) na New People’s Army (NPA) noong taong 2021.
Papunta sana si Asuncion sa kaniyang kapamilya upang bantayan ito sa hospital nang bigla itong harangin di’umano ng mga miyembro ng Komiteng Probinsiya ng Cagayan noong Agosto 21, 2021.
Ang pagkawala nito ay agad na ipinaalam sa mga awtoridad at nawalan na ng komunikasyon simula pa noon.
Napag-alaman na lamang umano sa ibang tao na ang binatang si Mark Angelo ay nasa bundok na kasama ang mga rebeldeng komunista.
Sa tulong ng mga dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan ay natunton sa wakas ang nawawalang binatilyo, subalit sa hukay na ito ng kaniyang huling hantungan natagpuan matapos umanong paslangin ng mga rebelde at iwan na lamang.
Napag-alaman din sa dating rebelde na nagturo sa kinaroroonan ni Mark Angelo na dumaan pa ito sa Kangaroo Court bago ito tuluyang paslangin ng NPA.
Kaya naman buong puwersa ang pagtutulungan ng pamahalaan na binubuo ng unit ng 95th Infantry Battalion (95IB), 502nd Infantry Brigade (502IB), 2nd Provincial Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 2 ng Philippine National Police (PNP) Sta Teresita, Scenes of Crime Officer (SOCO) at Marine Battalion Land ng Team-10 ng Philippine Marines upang mahukay at marekober ang mga labi ni Mark Angelo sa Sta. Teresita, Cagayan.
Labis ang hinanakit ng ina at naiwang pamilya ni Mark Angelo dahil inakala ng mga ito na makikita pa nilang muli at mayayakap ang kanilang anak subalit wala na itong buhay at hindi na nila muling makakasama kailanman.
“Kung ‘yung mga pinaglalaban po nilang prinsipyo is nakabubuti po sa taumbayan po, bakit pa nga ba sila kailangang magyaya ng mga kasama nila? Ano ba ang mga dahilan nila na kumakalaban po sa gobyerno? Ngayong wala naman po silang nagagawang maganda po base po sa nangyari sa aking anak. Kung doon na lamang po sa anak ko na kinuha nila, kung maganda po ang kanilang pakay at kung matuwid ang kanilang ginagawa sana lamang po ay huwag naman po sana silang manlilinlang sa mga tao lalo na’t sa mga kabataan kasi napakahirap po talaga ‘nun ginagawa nila dahil parang ginagawa po nilang basura ang buhay po ng mga tao,” ayon kay Yolanda Asuncion, Ina ni Mark Angelo Asuncion.
Nananawagan din siya sa mga gumawa nito sa kaniyang anak at nais malaman ang dahilan kung bakit nila ito pinaslang at basta na lamang pinabayaan.
“Nananawagan na lang po ako sa kanila na kung sakaling mapanood nila ito ay sana lang po mag-isip sila na ‘yung mga ginagawa kasi nila ay hindi makatwiran. Hindi na po ‘yun kalugod-lugod sa paningin ng Diyos dahil ‘yun po… hindi na po katanggtap-tanggap,” ani Yolanda Asuncion.
Sa ngayon ay naipasakamay na ang labi ni Mark Angelo sa kaniyang pamilya na nanawagan ng hustisya sa sinapit ng binatilyo.
Handa naman ang buong puwersa ng pamahalaan upang tuluyan na ngang mapuksa ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at patuloy na nananawagan sa mga natitira pang rebelde na magbalik-loob na at mamuhay ng payapa kapiling ang kanilang pamilya.