‘Bisikleta para sa Bakuna’ sa San Juan City, muling inilunsad kasabay ng World Car-Free Day

‘Bisikleta para sa Bakuna’ sa San Juan City, muling inilunsad kasabay ng World Car-Free Day

MULING inilunsad ng San Juan City government ang programang ‘Bisikleta Para sa Bakuna’ kasabay ng pagdiriwang ng World Car-Free Day.

Ayon sa LGU, ito ay upang hikayatin pa ang mga natitirang residente na magpabakuna na laban sa COVID-19.

Bagama’t naabot na ng  San Juan City ang herd immunity ay patuloy pa rin ang pamahalaang lokal sa  pagkumbinsi sa mga iba pang residente nito na magpabakuna kontra COVID-19.

Gamit ang kaniyang bisikleta ay muling nag-ikot sa San Juan City si Mayor Francis Zamora at ilan pang opisyal ng LGU upang magsagawa ng on-ground house-to-house vaccination campaign sa mga residente nito.

Ito ‘yung programang ‘Bisikleta Para sa Bakuna’ ng LGU kung saan pinangunahan ng alkalde ang pagbibisikleta mula Santolan Road patungong Ortigas at Connecticut Avenues, pabalik sa City Hall.

Ang nasabing programa ay kasabay ng  pagdiriwang ng World Car-Free Day ngayong araw at upang maiangat pa ang vaccine awareness at acceptance sa lungsod.

Paliwanag ni Zamora, malaking tulong ang pagkakaroon ng car-free community upang mabawasan ang polusyon na sumisira ng kalikasan kahit isang araw lamang ang selebrasyon.

Malaking oportunidad din aniya ang selebrasyon upang muling  ilunsad ang programang ‘Bisikleta Para sa Bakuna upang  hikayatin pa lalo ang mga natitirang residente na magpabakuna na laban sa COVID-19.

Giit ni Zamora, bagama’t naabot na ng lungsod ang herd immunity ay nais pa nitong madagdagan pa ang makukumbinsing magpapabakuna nang sa gayon ay maisalang sa COVID-19 vaccination ang bawat San Juaneno na pasok sa IATF prioritization list.

Samantala, bilang pakikiisa sa selebrasyon ng World Car-Free Day ay isinara ang Pinaglabanan Road mula P. Narciso Street hanggang Jose Gil Street sa mga motorista mula 5:30 – 10:00 ng umaga.

SMNI NEWS