PATULOY ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island, matapos itong magbuga ng halos isang libo’t apat na raang toneladang sulfur dioxide o asupre sa nakalipas na 24 oras, ayon sa ulat ng PHIVOLCS.
Ayon sa pinakabagong monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Martes, Hunyo 10, nakapagtala ang Kanlaon ng kabuuang isang libo, tatlong daan at limampu’t limang (1,355) toneladang asupre.
Mas mababa ito kumpara sa tatlong libo, limang daan at siyamnapu’t isang (3,591) toneladang naitala noong Lunes.
Naitala rin ang limang volcanic earthquakes sa bulkan, mas mataas kumpara sa tatlong naunang naobserbahan. Hindi gaanong makita ang plume o usok ng bulkan at nananatili pa rin ang pamamaga nito.
Dahil dito, kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon, na nangangahulugang mataas ang antas ng volcanic unrest. Pinapayuhan ang mga residente sa loob ng anim na kilometro mula sa bulkan na magsagawa ng paglikas at iwasan ang anumang aktibidad sa paligid nito.
Ipinagbabawal din ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Samantala, patuloy naman ang pagmamanman ng Phivolcs sa aktibidad ng bulkan para matiyak ang kaligtasan ng mga residente at makapagbigay ng agarang impormasyon sa publiko hinggil sa kalagayan nito.