NAGSIMULA nang dumagsa ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa Semana Santa.
Kahit halos pahirapan na ang pagbili ng tiket dahil sa overbooked flights ngayong peak travel season, hindi pa rin nagpaawat ang ilang mga pasahero na bumiyahe ngayong Semana Santa.
Karaniwang isa sa mga pinakamasikip na lugar ay ang immigration area sa panahon ng peak travel.
Ngunit nitong Martes ng umaga, nagsimula nang mag-inspeksiyon si Transportation Secretary Vince Dizon sa NAIA Terminal 3. Kapansin-pansin na maayos at mabilis ang paggalaw ng mga pila sa immigration counters kahit sa oras ng rush hour para sa mga papaalis na pasahero sa bansa.
Para kay Dizon, malaking improvement ito kumpara sa parehong oras noong nakaraang linggo, kung saan halos umabot na sa entrance ng immigration ang pila.
Naibsan ito sa pagtutulungan ng Bureau of Immigration, Manila International Airport Authority, New NAIA Infra Corporation at Department of Transportation.
Sabi ni Immigration Deputy Spokesperson Melvin Mabulac, nasa kabuuang 48 immigration officers ang nadagdag para ngayong Holy Week. Hindi rin pinapayagan ang mga kawani ng ahensya na magkaroon ng leave sa kasagsagan ng peak travel season.
Sabi rin ni Mabulac, nakatulong ang pagbubukas ng bagong OFW counter sa NAIA Terminal 3. Ayon sa tala, may average na higit 3,400 OFWs ang umaalis mula sa NAIA araw-araw, kaya’t kailangan ng mga ito ng special lane.
Bukas na rin ang lahat ng 44 na immigration counters sa Terminal 3 para sa mas mabilis na proseso ng mga pasahero sa paliparan.
Mula Abril 13 hanggang 20, inaasahang aabot sa halos 1.2M ang kabuuang bilang ng mga pasahero—14% mas mataas kaysa noong nakaraang taon.
Inaasahan ang mas mabigat na daloy ng mga pasahero sa susunod na mga araw.