BUMILI na ng bagong Uninterruptible Power Supply (UPS) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) matapos ang nangyaring aberya sa Communications, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) system nila nitong Enero 1.
Ayon kay CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo, nag-order na sila ng 2 bagong units ng UPS nitong January 5 sa ilalim ng emergency procurement scheme.
Diin ni Tamayo, napalitan na nila ang nasirang circuit breaker na kasamang nasira sa aberya.
Plano rin ng CAAP na itayo na ang Phase II ng kanilang CNS/ATM system na may budget na P139 million sa ilalim ng 2023 budget na inaasahang makukumpleto sa unang quarter ng 2024.
Ginawa naman ng CAAP ang pahayag sa pagharap nila ngayong araw sa imbestigasyon ng Kamara sa nangyaring aberya sa NAIA.