PINAGTITIBAY pa ng Cebu Pacific ang kanilang liderato sa industriya ng aviation matapos ilahad ang plano para sa patuloy na pagpapalawak ng kanilang operasyon ngayong 2025. Kasunod ito ng matagumpay na taon para sa airline noong 2024, kung saan nagtala ito ng record-breaking passenger volume.
Sa taunang stockholders’ meeting ng Cebu Pacific, ibinahagi ni Cebu Pacific Chairman Lance Gokongwei ang plano ng kumpanya na ipagpatuloy ang strategic growth sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga makabagong eroplano at pagpapalawak ng network.
Sinabi ni Gokongwei, sa mga nakalipas na taon, masigasig nitong pinagtibay ang pundasyon ng Cebu Pacific para mapakinabangan ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. Naniniwala sila na patuloy pa silang aangat at magtatagumpay, sa tulong ng dedikasyon ng kanilang mga empleyado, suporta ng kanilang mga katuwang, at higit sa lahat, ang walang sawang tiwala ng kanilang mga customer.
“Our work over the past couple of years have placed Cebu Pacific in a position to take advantage of the Philippine growth story, and we are confident that our airline will continue to reach new highs – on the back of the outstanding work of the organization, other stakeholders, and of course, your unwavering support,” saad ni Lance Gokongwei, Chairperson, Cebu Pacific.
Noong 2024, tumanggap ang Cebu Pacific ng 17 bagong aircraft para mapanatili ang operational resilience sa kabila ng mga hamon sa industriya. Kasabay nito, pinalakas din ng airline ang hubs nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mas maraming Pilipino ang makabiyahe nang abot-kaya.
Ayon kay Cebu Pacific CEO Michael Szucs, malaking bahagi ng tagumpay ng airline ay ang maagang pamumuhunan sa bagong hubs at aircraft:
“By seizing these opportunities, we have not only outpaced competition but also solidified our position as industry leader,” wika ni Michael Szucs, CEO, Cebu Pacific.
Sa unang bahagi pa lang ng 2025, nakikita na ng kompanya ang positibong pagtanggap ng merkado sa karagdagang kapasidad, at inaasahan na ito ay magpapalakas pa sa kanilang pangkalahatang financial position.
Naniniwala si Szucs na malaki ang potensyal ng Philippine aviation, na pinalalakas ng lumalagong ekonomiya, estratehikong lokasyon, at batang populasyon ng bansa. Bahagi ng commitment ng Cebu Pacific ay ang historic aircraft order na umabot sa 152 eroplano, na magsisilbing pundasyon ng airline para sa mga susunod na dekada.