ISINASAGAWA ngayong araw ang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa gaganaping election debates ng Sonshine Media Network International (SMNI), ALV events International at Manila Times.
Sa susunod na buwan ay asahang liliwanag na ang entablado para sa election debates na pangungunahan ng Sonshine Media Network International.
Ngayong araw, Enero 19, 2022 ay pinirmahan na ang MOA para sa inaasahang mainit na debatehan ng mga kakandidato sa pagka presidente, bise-presidente, at senador ng Pilipinas.
Sinelyuhan ang usapan sa pangunguna ni Dr. Marlon Rosete, Presidente ng SMNI at Arnold Vegafria, may-ari at Presidente ng ALV events International.
”Sa pangunguna ni Pastor Apollo C Quiboloy, Chairman ng SMNI ay mayroong inihanda na event sa susunod na buwan. Magkakaroon tayo ng presidential debate, vice-presidential debate, at senatorial debate – ito ay may layunin na matulungan o magabayan ang ating mga kababayan sa pagkilala sa mga kakandidato sa halalan ngayong 2022,’’ayon kay Dr. Marlon Rosete.
Si Arnold Vegafria naman, na isang tanyag na events organizer at movie producer, ay tiniyak na magiging kaabang-abang ang mga debate na ipapalabas sa SMNI.
Kasama rin sa MOA signing kanina ang Presidente ng MANILA Times na si Dante Ang II.
Ang Manila Times ang magiging official print media partner para sa SMNI Election Debates 2022.
Ang SMNI Election Debates 2022 ay pamamaraan ni Pastor Apollo C. Quiboloy na mahikayat ang mga Pilipino na ipakita ang tunay na pagmamahal sa ating bayan sa pamamagitan ng pagpili sa nararapat na kandidato.
‘’Inaaanyayahan ko po ang lahat ng mga kababayan na sama-sama po nating kilalanin ang mga magiging future leader ng Pilipinas na magpapatuloy sa magandang pagbabago na sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Bibigyan natin ng pagkakataon ang mga kandidato na ipamalas ang kanilang galing at talino sa harap ng mga Pilipino. Abangan! dito lamang yan sa SMNI,’’ saad Dr. Rosete.