Chief of police sa Central Luzon, nasampolan ng ‘one strike policy’ kontra ilegal na sugal

Chief of police sa Central Luzon, nasampolan ng ‘one strike policy’ kontra ilegal na sugal

NASAMPOLAN ang isang chief of police mula Central Luzon matapos itong sibakin sa puwesto sa kabiguang mawakasan ang ilegal na sugal sa kaniyang nasasakupan.

Hindi na nagdalawang-isip pa si PRO 3 Regional Director Police Brigadier General Jose Hidalgo Jr. nang gawin ang pasyang ito.

Sa abiso ni Hidalgo, nagbigay siya ng ultimatum sa lahat ng chief of police na sugpuin ang ilegal na sugal sa kanilang lugar at mahigpit na ipinatutupad ang ‘one strike policy’.

Batay sa impormasyon ng PNP, una nang sinalakay ng mga tauhan ng Special Operations Group ng Regional Intelligence Division 3 ang isang peryahan sa Orion, Bataan kung saan nagpapatuloy ang ilegal na color games.

Naaresto sa operasyon ang operators at bettors ng nasabing peryahan.

Paalala ngayon ng PNP lalo na sa kanilang mga kawani, huwag subukin ang masangkot sa ilegal na gawain lalo na sa ikasasama sa imahe ng organisasyon.

Sa panayam ng SMNI sa tagapagsalita ng PNP na si Police Colonel Jean Fajardo, pinuri nito ang ginawa ni General Hidalgo sa ilalim ng seryosong kampanya ng Pambansang Pulisya kaugnay sa ‘one strike policy’.

Babala ngayon ng PNP, sa ilalim ng direktiba ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na walang dapat ni isang pulis na magiging scalawags at patumpik-tumpik sa trabaho kundi may kalalagyan ang mga ito.

Muling pakiusap ng PNP lalo na sa publiko na huwag mag-atubiling isumbong sa mga pulis ang kanilang mga nakikitang iregularidad sa bawat nilang komunidad upang agad din itong matugunan tungo sa mas maunlad at payapang pamumuhay ng mga mamamayan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter