DAHIL sa tumitinding init ng panahon, hinihikayat ngayon ng Climate Change Commission (CCC) ang lahat ng sektor sa lipunan na maghanda sa epekto ng global warming at tumataas na heat index sa bansa.
Kasunod ito sa inilabas ng World Meteorological Organization (WMO), isang weather agency sa United Nation na Red Alert dulot ng lumalalang epekto ng climate change.
Maging ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay nagbabala rin sa publiko dahil umaabot na sa “danger” levels ang heat index sa ilang lugar sa bansa.
Binigyang diin pa ng CCC na kailangan ang kolektibong aksiyon mula sa iba’t ibang sektor upang maibsan ang epekto ng climate change.
Ang pagbabago ng klima ay nagdudulot ng pinsala sa mga sistema ng pagkain at iba pang mahahalagang ecosystems.
Inihayag pa ng CCC na ang pagkakaroon ng mataas na kamalayan at mas mabuting pag-unawa sa ugnayan ng pagbabago ng klima at kalusugan ay mahalaga upang matiyak na ang mga Pilipino ay mananatiling handa at may kakayahang makapag-adjust.