Collective farming, sagot sa kakulangan ng bigas—Juan Novo Ecijano

Collective farming, sagot sa kakulangan ng bigas—Juan Novo Ecijano

NANINIWALA si Fiscal Danilo Yang, chairman ng ‘Juan Novo Ecijano para sa Kaunlarang Pambansa, Inc.’ na collective farming ang tugon sa problema ng bigas sa bansa.

Sinabi ito ni Yang na dati ring Nueva Ecija Provincial Prosecutor sa eksklusibong panayam ng SMNI News.

‘‘Ngayon ang idea ko bakit ko binuo ang Juan Novo Ecijano ay para pukawin ‘yung damdamin ng gobyerno, bigyan sila ng atensiyon na may paraan para talagang tulungan ‘yung mga magsasaka na gumanda ‘yung ani, gumanda ‘yung buhay nila at the same time magkaroon tayo ng self-sufficiency na hindi mawawala ‘yung pera ng gobyerno,’’ ayon kay Fiscal Danilo Yang, dating Nueva Ecija Provincial Prosecutor/ Chairman, Juan Novo Ecijano para sa Kaunlarang Pambansa, Inc.

Ayon sa panukala ni Yang, maglalaan ang gobyerno ng P46-B para sa isang milyong ektaryang sakahan na magbibigay ng 300-M cavans per year at magiging daan upang ang mga magsasaka ay maging self-sufficient sa loob ng limang taon.

Dagdag pa ni Yang, ang P46-B ay hindi mawawala dahil mananatili itong intact at hindi maaring gastusin ng kahit sino hanggang sa mabayaran na ito nang buo ng mga magsasaka at muling magagamit na pondo ng gobyerno.

Hindi naman kaila kay Yang na hindi madali ang kanilang adbokasiya subalit ang importante aniya matulungan ang mga magsasaka, mapalakas ang rice production, at maibsan ang kahirapan.

‘‘Ako hindi ko alam kung ano ang maging view ng gobyerno sa akin diyan. Alam ko magagalit sa akin ang mga tiga-DA sa akin diyan. Definitely wala akong pakinabang diyan, ang habol ko lang dun ‘yung…kaya ako medyo lumalapit sa inyo sa media para tulungan niyo ako na, na pukawin natin ‘yung kaisipan ng ating gobyerno para i-promote itong system na ito na hindi naman mawawala, hindi kawalan ng pera sa gobyerno kundi ito ay tinulungan natin ang mga magsasaka, napalakas natin ‘yung production natin, naalis.. Na-alleviate natin ang politiko, na-alleviate natin ang poverty at lumakas at lalakas ‘yung ating rice production, ‘yun ang importante,’’ dagdag pa ni Yang.

Samantala, sa launching ng collective farming kamakailan sa Nueva Ecija, nagpahayag si Goldmine Farm to Harvest CEO at co-founder ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) Orlando Manuntag na suportado nila ang collective farming.

‘‘Ah we will support po sa 100 hectares. So su-support po kami diyan lahat po ng pangangailangan po, everything, mula sa seeds hanggang mag-produce na ito ng bigas ay sasagutin po ng Goldmine Farm to Market. Ito po’y una nating pagtaya, initial, makatulong po tayo sa supply ng value chain. As part po ng aming advocacy sa PRISM. So hindi lang po kami nagtitinda ng bigas, kami rin po ay pumapasok na rin po sa pagtulong po sa farmers natin,’’ ayon kay Orlando Manuntag, CEO Goldmine Farm to Market.

Ibinahagi naman ni Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) president Rowena del Rosario Sadicon, na nakakapag-export na tayo ng bigas hindi man ganun kalaki pero aniya hindi ito malayong mangyari sa hinaharap sa pamamagitan ng cluster farming.

‘‘In fact, meron na po tayong, meron na pong nag-eexport sa atin ng bigas ngunit konting quantity pa lamang. Hindi naman kailangan malaki pero sana mai-reach out natin and through this cluster farming, we, we, makaka-achieve tayo ng volume, noh, economics of scale ay maipapahatid din natin sa ibang bansa para maipagmalaki natin ang ating sariling bigas mula sa ating mga magigiting na magsasaka. Maraming salamat!’’ ayon naman kay Rowena Dr Sadicon, President, PRISM.

Bago man sa kamalayan ng mga magsasakang Pilipino subalit ang collective o cluster farming ay ginagawa na sa ibang bansa.

Dahil dito umaasa ang mga stakeholder sa launching nito sa Nueva Ecija na tatangkilikin ito ng magsasakang Pilipino at ng pamahalaang Marcos.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter