TINULDUKAN na ng Commission on Elections (COMELEC) ang maling impormasyong kumakalat ngayon kaugnay sa mga transmission devices na gagamitin ngayong darating na 2025 midterm elections.
“Dyan po siya maling-mali fake news po iyan at misinformation na naman. Sana po ang ating tagubilin lang sana ay bago tayo magsalita inaalam po muna natin,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.
Ito ang naging tugon ni Atty. George Garcia, chairperson ng COMELEC kaugnay sa mga transmission devices tulad ng Starlink at mga antenna na gagamitin ngayong 2025 midterm elections na inimbak sa isang bahay sa Davao City.
Ayon sa kaniya, mali ang mga kumakalat na balita na nag-aakusa na maaaring ma-kontrol ng mga antena ang magiging resulta ng eleksiyon.
“Yung pong pagtatransmit ng results, yung mismong saan ita-transmit, saang server mata-transmit. Wala po ‘yun. Sa transmission device, ‘yan po ay nandiyan sa ating mga makina. So, therefore kahit ‘yung tower ng television, kahit sa inyo, sa SMNI, ‘Yan po ay hindi pwede mag-impluwensiya ng mismong result,” dagdag ni Garcia.
Magugunita na nagdulot ng pangamba sa publiko ang pag-iimbak ng naturang mga kagamitan sa isang pribadong bahay.
Ayon naman sa COMELEC, ang mga transmission devices gaya ng mga antenna at solar panels ay hindi nangangailangan ng ganoong kalaking level ng seguridad dahil ito ay gagamitin lamang para magpadala ng resulta ng boto.
Ani Atty. Garcia, ang mga transmission devices pati na rin ang ibang kagamitan ay susubukan at ikakabit sa mga paaralan bago ang eleksiyon at tinitiyak nito na hindi mawawala ang mga ito sa oras ng deployment.
Pinayuhan naman ng COMELEC chief ang publiko na maging maingat sa pagpapakalat ng anumang impormasyon at suriin muna ang mga detalye bago magbigay ng opinyon upang maiwasan ang maling pananaw.
Follow SMNI News on Rumble