GAANO nga ba kahalaga na masigurong tama ang ID at maayos ang gagawing enrollment ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) para sa online voting?
Sabi ng Commission on Elections (COMELEC), importante ito para maiwasan ang anumang uri ng pandaraya at matiyak na ang bawat boto ay mula sa lehitimong botante.
Sabi ni Atty. Rex Laudiangco, ang tagapagsalita ng COMELEC, ang pre-enrollment ng internet voting para sa mga kababayan natin abroad ay katulad lang ng pag-enroll sa mga online financial platforms tulad ng GCash at PayMaya.
Pero ang kailangang gamitin dito ay ‘yung mga benchmark ID tulad ng Seaman’s Book, passport, PRC ID, UMID, at PhilSys o National ID.
Ang mga ito lang, aniya, ang tinatanggap ng ahensiya sa ngayon para masiguro ang seguridad at maiwasan ang paggamit ng false identity ng isang botante.
“Siguraduhing handa ang inyong gadget dahil kailangang makunan, makuhanan kayo ng maayos na litrato, walang tao sa likod, clear background. Iyon pong document, pag ‘yan tinapat mo sa camera para ma-scan, dapat walang blur, walang shadow para ma-capture ng ating mga sistema ‘yong information na nandoon sa inyong ID. So ‘yan lamang pakakatandaan,” ayon kay Atty. Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.
Ipinunto rin ni Laudiangco ang kahalagahan ng pagiging maingat sa paghawak ng sariling account credentials—lalo na’t personal na impormasyon ang nakataya.
Paliwanag pa niya, web-based ang sistema ng internet voting ng COMELEC, kaya hindi ito mobile app na puwedeng basta i-download sa app store.
Dahil dito, mas flexible ang proseso—puwedeng gamitin ang kahit anong device gaya ng cellphone, tablet, o laptop, mula sa enrollment hanggang sa mismong araw ng botohan. Isa itong hakbang para gawing mas accessible pero ligtas ang pagboto ng mga Pilipino sa ibang bansa.
“Tama, kukuhanan ng larawan dahil kailangan makuha ang 64 points ng iyong facial biometrics at higit sa lahat ang iyong identification kailangang ma-e-scan ‘yan sa pamamagitan ng camera. Kailangang live capture, hindi puwedeng i-upload lang. Hindi po tinatanggap at sinadya namin ‘yan na hindi uploaded ang scan ID. Kailangan talagang sa pamamagitan ng gadget—live capture, whether ‘yong mukha o ang inyong dokumento,” aniya.
Ayon pa kay Laudiangco, may ilang kaso na hindi nakapagpatuloy sa enrollment ang isang overseas voter dahil nasa Pilipinas ito noong sinubukan nitong magrehistro.
‘Zero luck’ ang tawag dito ng COMELEC system—ang ibig sabihin, hindi ito kinikilala bilang overseas voter sa loob ng bansa. Kaya’t kinakailangan pa umanong bumalik sa abroad ang OFW para ma-validate ang kaniyang status bilang rehistradong botante sa labas ng Pilipinas.
Sabi niya pa, ang isang simpleng pagkakamaling paulit-ulit na nangyayari—ang maling paglalagay ng pangalan. Ayon sa kaniya, kahit maliit na detalye gaya ng nawawalang period sa “Ma.” o pagbubuo ng ‘Maria’ na hindi tugma sa original na rehistro, ay sapat na para hindi tanggapin ng system ang aplikasyon.
“Ito ang pinakamadalas—ang pag-input ng pangalan. Halimbawa, noong siya’y nagparehistro sa amin sa application form, ang kanyang Maria ay Ma. period. Ngayon, noong siya ay nag-enroll, binuo niya ang Maria niya o kaya nakalimutan ang period—hindi papasok sa sistema,” giit nito.
Sabi ni Laudiangco mahalagang bigyang pansin ang bawat detalye, mula sa mga dokumento hanggang sa tamang pag-input ng pangalan, para mapanatili ang seguridad at integridad ng sistema ng halalan.