DA, muling nagbabala sa mga pupuslit ng baboy na posibleng tinamaan ng ASF

DA, muling nagbabala sa mga pupuslit ng baboy na posibleng tinamaan ng ASF

IBINABALA ng Department of Agriculture (DA) ang mga parusang posibleng kakaharapin ng mga magpupuslit ng mga baboy na may sakit o may dalang pekeng dokumento para lang makalusot sa checkpoints.

Ang babala ng kagawaran ay kasunod ng pagkakaharang ng ilang trak na may sakay na baboy sa Quezon City at Valenzuela na hinihinalaang may sintomas ng African Swine Fever (ASF).

Ani Asec. Dante Palabrica, mayroong sistema ang ahensiya na makakasuri at makakahuli sa mga gumagamit ng pekeng dokumento at kapag nahuli ang isang indibidwal o grupo ay bibigyan agad ng show-cause order na hahantong sa suspension.

Pagdating naman sa mga alagang baboy ay kung makumpirma na positibo sa sakit tulad ng ASF ay diretso na itong ipalilibing ng ahensiya.

Bagama’t hindi naman daw nakakahawa sa tao ang pagkain ng baboy na posibleng may sakit na ASF ay mahalaga sabi ni Palabrica na mapalakas ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga checkpoint lalo na sa National Capital Region.

Ito ay para mapigilan ang pagkalat pa ng nasabing sakit at hindi maapektuhan ang suplay ng karneng baboy sa merkado.

Tuloy-tuloy din ang ginagawang hakbang ng DA upang mapigilan ang paglawak ng naaapektuhan ng ASF.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble