Dalawang ASEAN Maritime Forum, pinangunahan ng Pilipinas

Dalawang ASEAN Maritime Forum, pinangunahan ng Pilipinas

DALAWANG Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Forum ang isinagawa sa Manila para talakayin ang mahahalagang isyu kaugnay sa karagatan ng magkakalapit na bansa kung saan ang Pilipinas ang host.

Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang isinagawang forum sa bansa ay nakasentro sa rehiyonal na kapayapaan, maritime cooperation at paglaban sa iligal at unregulated fishing.

Sinimulan ang 12th ASEAN Maritime Forum (AMF) at 10th Expanded ASEAN Maritime Forum nitong Disyembre 6-7 na dinaluhan ng mga miyembro ng East Asia Summit.

Kabilang sa mga bansang dumalo ang Australia, China, India, Japan, New Zealand, South Korea, Russia, at United States.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DFA Deputy Assistant Secretary Noel Novicio na ang forum ay tumatalakay ngayon sa mapayapang pagsasaayos ng mga alitan sa karagatan.

Na magkaroon din ng mga talakayan tungkol sa patuloy na pagtutulungan sa pangangalaga ng kapaligiran, pagmimina sa ilalim ng dagat, at paglaban sa iligal na pangingisda.

Bahagi rin sa nasabing forum ang pag-usapan ang implementasyon ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) bilang bahagi sa ika-40 anibersaryo nito.

Dagdag din ni Novicio na ang mga rekomendasyon mula sa dalawang araw na talakayan ay tutugon sa iba’t ibang mekanismo ng ASEAN, kabilang ang ASEAN Regional Forum Intercessional Meeting on Maritime Security at ang ASEAN Defense Ministers Meeting Plus.

Ang bottom line aniya ay higit na palakasin at pahusayin ang maritime security dialogue sa rehiyon lalo na sa mga dialogue partners nito.

Aminado rin ang opisyal sa ngayon na hindi pa napag-uusapan ang mainit na talakayan kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea.

Ito yung kauna unahang face-to-face ASEAN Maritime Forum matapos ang 2 taon na pandemya.

Follow SMNI News on Twitter