Dapat managot ang Maynilad sa “sinkhole”—Sen. Revilla

Dapat managot ang Maynilad sa “sinkhole”—Sen. Revilla

“Dapat managot ang Maynilad at mga kontraktor nito.” Ito ang pahayag ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr., Chairman ng Senate Committee on Public Works, makaraang biglang magkaroon ng isang malaking butas sa gitna ng Sales Road sa Pasay City noong nakaraang Linggo, Abril 14.

Ayon sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang naturang “sinkhole” ay sanhi ng tagas mula sa water pipeline ng Maynilad Water Services, Inc. Ang bukana ng sinkhole ay may sukat na 2 meters by 3 meters ngunit ang loob ng butas ay higit na mas malawak kumpara sa bukana na may lalim na 8 hanggang 10 talampakan.

“Dapat mapanagot ang Maynilad at ang mga contractors nila dito! This poses great danger lalo na sa mga motorista, at kung ‘di agad nakita at napabayaan, baka pati sa mga residential properties at buildings sa area. Kung makikita niyo nga ‘yung butas, malapit na siya sa pundasyon ng NAIAX elevated highway. Nakakatakot ang posibleng epekto nito kung sakali,” paliwanag pa ni Revilla.

Binigyang diin ni Revilla na dapat talagang managot ang nabanggit na water concessionaire upang higit silang maging reponsable sa magiging epekto ng kanilang ibinibigay na serbisyo.

“Hindi pwedeng hayaan lang na ire-repair tapos wala na. Hindi ‘yon accountability. Dapat may managot para magsilbing daan ito para mas maging proactive ang mga service providers sa mga projects nila, hindi lang basta reactive kapag may problema na. Ilang beses na tayo nakakatanggap ng report na may pumutok na pipe sa ganito, minsan nagdudulot pa ng baha at nakakaabala. Dapat bago pa lang magkaroon ng leak, na-check na. Tuloy-tuloy dapat ang inspection at maintenance,” ayon pa kay Revilla.

Samantala, tiniyak ng DPWH Lunes ng umaga, Abril 15 na handa silang ayusin ang ‘sinkhole’ na lumalabas na epekto ng  hindi maayos na pagretoke sa naturang proyekto.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter