NAARESTO ng 80th Infantry Battalion (80IB) sa pakikipagtulungan ng ibang law enforcement agency ang isa sa mga kilalang deputy secretary ng communist terrorist group (CTG) na Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na nag-ooperate sa lalawigan ng Rizal.
Kinilala ng mga awtoridad ang naturang rebelde na si Aileen Monasterio na dating deputy secretary at medical officer ng PLTN Reymark, Apolonio Mendoza Command, SRMA4B, Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) ng CPP-NPA-NDF.
Matatandaan na si Monasterio ay sangkot sa iba’t ibang karahasan kagaya ng pagsunog ng mga pribadong gusali, pagha-harass, at pagkitil sa buhay ng mga kawani ng gobyerno.
Base sa impormasyon, nahuli ang nabanggit na rebelde sa Duraville Homes 2, Brgy. Ampid 1, San Mateo, Rizal.
Matapos ang pag-aresto, dinala si Monasterio sa San Mateo Police Station para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.