Davao CHO patuloy ang pagsisikap para pigilan ang pagkalat ng Mpox

Davao CHO patuloy ang pagsisikap para pigilan ang pagkalat ng Mpox

MASIGASIG ang City Health Office (CHO) sa pagsisikap nito upang mapigilan ang pagkalat ng Mpox, na kilala rin bilang monkeypox, sa pamamagitan ng mas pinaigting na contact tracing at monitoring sa buong lungsod.

Saad ni Farrah Mae Clamor, Hepe ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), apat sa pitong kumpirmadong kaso ng Mpox sa Davao City ang nakarekober na at na-discharge na mula sa ospital.

Aniya, bagama’t gumaling na ang mga pasyente, may posibilidad pa rin ng muling pagkahawa kung sila ay muling malalantad sa virus sa pamamagitan ng malapitang pakikipag-ugnayan sa isang kumpirmadong kaso.

Una nang inihayag ni Dr. Sofia Corazon Zafra, Program Manager ng Emerging and Re-emerging Infectious Diseases ng CHO, na mula Enero 1–Hunyo, may kabuuang pitong kumpirmadong kaso ng Mpox sa Davao City.

Aniya, sa 49 na close contacts na naitala, 35 sa kanila ang nakatapos na ng itinalagang 21-araw na monitoring period nang walang anumang sintomas ng Mpox, habang ang natitirang 14 na contact ay kasalukuyang inoobserbahan.

Hinihikayat ang mga indibidwal na pinaghihinalaang may Mpox na agad mag-isolate at magpakonsulta sa mga lokal na awtoridad pangkalusugan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble