PANALO ang Davao Region sa kampeonato ng 65th Palarong Pambansa sa Secondary Boys Basketball matapos talunin ang Western Visayas, 67-51, sa finals na ginanap sa Ilocos Norte Centennial Arena ngayong Biyernes, May 30.
Binuhos ng Region 11 na ni-representa ng Ateneo de Davao University ang lakas sa huling yugto ng laban. Mula sa 46-37 na kalamangan sa pagtatapos ng third quarter, pinalobo nila ito sa 55-39 matapos ang isang matinding tres ni Boholano sa natitirang mga minuto ng laro.
Ang tres na iyon ang nagtapal sa 9-2 run ng Davao Region na siyang tuluyang nagpahina sa pag-asa ng Western Visayas, na kinatawan naman ng St. Robert’s International College.
Hindi pa doon nagtapos ang pag-arangkada ng Davao region. Isang lay-up mula kay Deligrino ang nagbigay sa kanila ng pinakamalaking abante sa laban na umabot sa 17 points, sa nalalabing higit sa tatlong minuto ng final quarter.
Sa huli, kinumpleto ng Davao Region ang makasaysayang panalo upang muling itaas ang bandera ng Mindanao sa Palarong Pambansa!