PAREHONG sinang-ayunan ng defense ministers ng Japan, Britain at Italy ang pagtatatag ng isang fighter jet plan liaison body.
Nitong Huwebes ay pare-parehong nilagdaan nila Japanese Defense Minister Minoru Kihara, British Defense Minister Grant Shapps, at Italian Defense Minister Guido Crosetto ang isang kasunduan habang sila ay nagsasagawa ng mga pag-uusap sa Tokyo upang muling pagtibayin ang schedule sa pag-deploy ng mga eroplanong pandigma sa 2035.
Matatandaan, noong 2022 sa buwan ng Disyembre, inihayag ang Global Combat Air Program Fighter Project dahil sa mga matitinding hamon sa seguridad na kinakaharap ng tatlong bansa, kabilang na ang patuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Minarkahan din ng programa ang unang Joint Defense Equipment Development Deal ng Japan sa isang bansa maliban sa malapit nitong kaalyado sa seguridad ang Estados Unidos.
Gayunpaman, sa ilalim ng coordinating entity, binuo ng Mitsubishi Heavy Industries Ltd. ng Japan, Bae Systems PLc ng Britain at Leonardo S.p.A ng Italy ang isang consortium na naglalayong tapusin ang design work para rito sa 2027.
Ayon sa mga opisyal ng Defense Ministry, nais ng tokyo na bumuo ng kahalili sa 90 F-2 fighter jets ng Air Self-Defense Force na nakatakdang mag-retiro sa 2035, habang ang London at Rome naman ay naglalayong palitan ang mga 240 eurofighter jets nito.
Upang i-promote ang mga bagong fighter jet export sa ibang mga bansa, sinisikap ngayon ng gobyerno ng Japan na luwagan ang mga paghihigpit sa patakaran ng bansa para sa paglilipat ng defense equipments.