Defense team ni FPRRD, buo na—Atty. Kaufman

Defense team ni FPRRD, buo na—Atty. Kaufman

BUO na ang core team ng legal defense ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na tinatayang may 4 hanggang 5 abogado pero hindi pa isiniwalat ang kanilang mga pangalan ngunit isa sa kanila ay isang Pilipino.

Handa nang magtrabaho ang mga ito sa susunod na lingo.

Kinumpirma ito ni Atty. Nicholas Kaufman, lead counsel ni Duterte, na nagsabing naisapinal na ang kanilang team.

“I think I have an idea now who I want in the team. We’ve finalized a team. It’s going to be a core team of a maximum of five members and we’ll be appointing other people to assist us on a needs-be basis,” pahayag ni Atty. Nicholas Kaufman, Lead counsel ni dating Pangulong Duterte.

Ayon kay Kaufman, isa sa mga miyembro ng kanilang legal team ay isang Pilipino na abogado.

Binigyang-diin naman ni Vice President Sara Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang Filipino lawyer sa defense team.

“Kailangan ng Filipino lawyer kasi mayroong mga i-aargue doon na batas ng Pilipinas. Mayroon talagang Filipino lawyer na makakasama,” pahayag ni Sara Duterte, Vice President, Republic of the Philippines.

Isa sa 5 abogado ng legal team ng dating pangulo ay nakausap na ni VP Sara at magsisilbing assistant counsel ng defense team.

“Very intelligent. Mataas ‘yung experience. 19 years na ‘yung experience dito sa ICC. Wala siyang ibang experience except ICC. So medyo alam niya na ‘yung mga ins and outs of the court,” ayon pa kay VP Sara.

VP Sara, nilinaw ang pahayag tungkol sa hindi na makakauwi si FPRRD sa Pilipinas

Nilinaw naman ni Vice President Sara Duterte ang naging naging pahayag niya sa Senate investigation tungkol sa posibilidad na hindi na makauwi pa sa Pilipinas si dating Pangulong Duterte.

Ayon kay VP Sara, hindi ito nangangahulugang nawalan na ng pag-asa ang legal team ng kanyang ama. Ang pahayag niya ay batay lamang sa naging diskusyon sa imbestigasyon.

“Meron silang discussion kung tama ba ang ginawa, iligal ba ang ginawa—iligal ’yung ginawa. Sabi ko nga eh, it was an extraordinary rendition. Kahit na anong pagtatalunan nila doon, whether it was a kidnapping or extraordinary rendition, whether it was correct or not correct, hindi na maibabalik ’yan kasi nandoon na siya sa loob. Hindi na nila maibalik doon. And the only way na makalabas siya is through the system inside the ICC. ’Yun ’yung ibig sabihin noon,” paliwanag ni VP Sara.

Kalusugan ni dating Pangulong Duterte, maayos—VP Sara

Maayos naman ang kalusugan ni dating Pangulong Duterte, ayon kay VP Sara. Gayunman, pinayuhan ito ng mga doktor na simulan na ang regular na ehersisyo para mapanatili ang kanyang kalusugan.

“Sinasabihan siya ng doktor na kung pwede ay maglakad siya more. Sabi ko sa kaniya baka pwede na siyang magrequest na maglakad sa labas. Nagsabi naman ‘yung doktor na pwede na siyang magrequest ng ganoon sa security. Ni-remind namin siya na kung pwede ay magstart na siyang mag-exercise,” ayon pa kay VP.

Ilang kapamilya ni FPRRD, inasahang dadalaw sa The Hague

Sa mga susunod na araw, inaasahang bibisita sa The Hague, Netherlands ang ilang miyembro ng pamilya Duterte.

Ayon kay VP Sara, dadalaw sa ICC ang kanyang ina na si Elizabeth Zimmerman, pati na rin sina Honeylet Avanceña at Kitty Duterte.

Samantala, posibleng bumisita si Davao City Mayor Sebastian Duterte matapos ang halalan sa 2025.

Sa darating na March 28, ipagdiriwang ni dating Pangulong Duterte ang kanyang ika-80 kaarawan.

Ito naman ang birthday wish ni VP Sara para sa kanyang ama:

“I wish him love….comfort, good health,” sambit ng anak ng dating Pangulong Duterte-ang kasalukuyang Pangalawang Pangulo ng bansang Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble