Dental health services tulad ng pagpapalinis at pasta, sasagutin na rin ng PhilHealth

Dental health services tulad ng pagpapalinis at pasta, sasagutin na rin ng PhilHealth

PARA sa mas maganda at malusog na ngipin, may bagong benefit package ang PhilHealth para sa dental services gaya ng pagpapalinis ng ngipin at pasta.

Bata pa lang mahilig na sa matatamis na pagkain si Aling Agabai.

Kaya pagtungtong niya aniya sa high school ay unti-unti nang nabubulok ang kaniyang mga ngipin hanggang sa iilan na lang ang natitira ngayon.

“Napabayaan hanggang nabulok na,” ayon kay Agabai Alagasi, Residente.

Kaya sa kabila ng pagiging ‘2nd Happiest Country’ ng Pilipinas sa Southeast Asia, hirap pa ring ngumiti ang ilan sa ating mga Pilipino dahil sa sira ang ngipin.

Ayon sa Philippine Dental Association nitong Pebrero ngayong 2024, 72% sa populasyon o 7 sa 10 Pilipino ang may bulok na ngipin.

Pero batay sa National Oral Health Survey noong 2018, napag-alaman na kahit kailangan magpadentista, 54.8% sa populasyon ang hindi nagpapakonsulta dahil sa kawalan ng pera.

Sa ngayon, naglalaro mula P800 hanggang P900 ang pagpapalinis pa lang ng ngipin.

Isa si Aling Agabai sa mga Pilipinong gustuhin man sanang magpadentista pero hindi na kaya ng kanilang budget.

“Dahil mahal kaya hindi tayo nakapasta, mahal ‘yung pagpapalinis. Walang budget sir. Walang budget, napupunta sa family,” wika ni Agabai Alagasi, Residente.

May magandang balita para sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation dahil sasagutin na ng PhilHealth ang basic dental care services para sa mga Pilipino.

“The proposal for the dental package has been approved by the board.”

“Our commitment is to have this policy published before the year ends. So, within the month of December, probably the implementation will start latter part of December or early next year,” ayon kay Atty. Eli Dino Santos, Executive Vice President, PhilHealth.

Sa ilalim ng bagong healthcare benefit packages, inaprubahan ng PhilHealth Board ang maximum payment na P1,000 kada pasyente kada taon para sa preventive oral health services.

Kabilang sa naturang mga serbisyo ang mouth examination o oral screening, dental prophylaxis o cleaning, at fluoride varnish application.

Sakop din ang fissure sealants, Class V procedures, emergency tooth extraction, at dental consultation.

“Along the ways if there’s a need we will increase the coverage, we will increase the amount of the benefit,” ani Santos.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble