Maynila, Pilipinas – Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na opisyal nang bukas ang aplikasyon para sa Senior High School (SHS) Voucher Program para sa darating na School Year 2025–2026.
Ayon sa DepEd, maaaring magsumite ng aplikasyon ang mga kwalipikadong Grade 10 completers sa pamamagitan ng Online Voucher Application Portal (OVAP). Ang programa ay naglalayong magbigay ng tulong pinansyal para sa mga mag-aaral na nais magpatuloy ng Senior High School sa mga pribadong paaralan, pampublikong paaralan na hindi pinapatakbo ng DepEd, at lokal na kolehiyo o unibersidad na may SHS offering.
Nilinaw ng DepEd na hindi kailangang mag-apply ang mga sumusunod:
Mga nagtapos sa public Junior High School (JHS)
Mga Education Service Contracting (ESC) grantees mula sa pribadong JHS
Ayon sa guidelines ng ahensya, hindi kwalipikado para sa programa ang:
Mga nagtapos ng high school noong 2015 o mas maaga
Mga papasok ng Grade 12 na hindi bahagi ng SHS Voucher Program noong Grade 11
Mga non-Filipino citizens
“Patuloy ang DepEd sa pagbibigay ng pantay na oportunidad sa mga kabataan upang makapagtapos ng dekalidad na edukasyon,” pahayag ng ahensya sa isang Facebook post.
Ang SHS Voucher Program ay bahagi ng mas malawak na layunin ng gobyerno na palawakin ang access sa edukasyon, lalo na sa mga pamilyang may limitadong kakayahang pinansyal.
Para sa karagdagang impormasyon o para makapag-apply, maaaring bisitahin ang official website ng OVAP o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng DepEd.
Follow SMNI News on Rumble