INIHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na sabay na haharapin ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy ang deportation at local case sakaling ipatupad ito laban sa kaniya.
“Kakatapos lang po ng inquest proceedings dito sa vlogger at YouTuber na ito. At kahapon ay nahuli natin siya at naaresto ng Immigration for being undesirable alien dahil doon sa videos na ginawa niya na talagang nakakagulo sa komunidad,” wika ni Dana Sandoval, Spokesperson, Bureau of Immigration.
Ito ang naging komento ni Dana Sandoval, ang tagapagsalita ng Bureau of Immigration, sa isang panayam ng SMNI News kaugnay sa pagkakaaresto ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na nang-insulto at nanlait sa mga Pinoy sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.
Ayon kay Sandoval, ang vlogger ay isang turista na dumating lang sa Pilipinas isang linggo na ang nakalipas. Ani Sandoval, ang mga video ng vlogger ay may layuning magpasiklab ng galit sa mga manonood upang lalong tumaas ang views at kita nito sa YouTube.
Diin ni Sandoval na rage baiting ang ginawang content ng Russian vlogger, kung saan ang mga viewers ay naiinis ngunit patuloy pa ring nanonood, dahilan umano upang tumaas ang views at kita nito.
“Actually, sabay na aandar ang deportation proceedings niya at kung may mga local case na fi-file sa kanya, aandar din iyon kasabay ng deportation case,” ani Sandoval.
Dagdag pa ni Sandoval na hindi naman naging bayolente ang nasabing vlogger ngunit may kakaibang pag-uugali ito nang siya ay arestuhin. Pagkatapos siyang dalhin sa piitan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, ani Sandoval, medyo nagbago na ang ugali ng vlogger at nagsimulang magpakita ng pagsisisi sa mga ginawa nitong kalokohan.
“Pero ang kwento naman sa atin ng mga operatiba, and finally dinala na siya sa ating piitan sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig, medyo bumaba na ang kanyang energy at medyo nag-lay low na siya. At medyo natatauhan na siya kung ano ‘yung mga gravity ng kanyang ginagawa,” aniya.
Sa huli, inihayag ni Sandoval na bilang bahagi ng protocol ng Pilipinas, ipapaalam sa embahada ng bansang pinagmulan ng vlogger ang nangyari sa kaniya upang makuha ang mga kinakailangang dokumento bago maipatupad ang deportation.