DFA hinihintay pa rin ang aktuwal na resulta ng imbestigasyon ng Kuwaiti authorities sa pagkamatay ng OFW na si Jenny Alvarado

DFA hinihintay pa rin ang aktuwal na resulta ng imbestigasyon ng Kuwaiti authorities sa pagkamatay ng OFW na si Jenny Alvarado

INIIMBESTIGAHAN pa ng Kuwaiti authorities ang insidente ng pagkamatay ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jenny Alvarado dahil sa sinasabing coal suffocation.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo, nakatutok ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait at tinutulungan ang mga awtoridad ng nasabing bansa para sa imbestigasyon ng nasabing isyu.

Katuwang aniya ng DFA sa usaping ito ang Department of Migrant Workers (DMW).

Sa ngayon, ani Manalo, hinihintay pa rin ng ahensiya ang aktwal na resulta ng imbestigasyon ng Kuwaiti authorities hinggil dito.

Mungkahing deployment ban ng OFWs sa Kuwait, masusi pang pinag-aaralan—DFA

Samantala, inihayag ni Enrique na pinag-aaralan pa nila nang maigi ang mungkahing ipagbawal ang pagpapadala ng mga manggagawang Filipino sa Kuwait kasunod ng insidente ng pagkamatay ni Jenny Alvarado.

Ipinaliwanag ng kalihim na maraming factors ang tinitingnan ng pamahalaan sakaling ipatupad ang deployment ban: una ang proteksiyon ng mga Pilipino sa Kuwait habang kasama ring ikinokonsidera dito ang magiging relasyon ng Pilipinas sa naturang bansa.

Una na ring binanggit ng DMW na nakatuon ang ahensiya sa paghahanap ng katarungan para kay Alvarado, na pumanaw umano dahil sa pagka-suffocate sa Kuwait.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na hindi isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na mayroong ‘foul play’ sa pagkamatay ni Alvarado.

Gayunman, magsasagawa aniya ang kagawaran ng mga hakbang base sa mga prinsipyong legal at mga scientific evidence na mayroon ang ahensiya, partikular na ang resulta ng autopsy ng Pinay OFW na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI).

Saad ng DMW chief, makatulong ito upang matukoy ang tunay na sanhi ng kamatayan ni Alvarado at malaman kung may kapabayaan mula sa employer nito.

“Yes there’s a possibility of foul play but in the end of the day we will go kung ano ang sinasabi ng batas at ano ang resulta ng pagsusuri na sang-ayon sa siyensya,” wika ni Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble