DHSUD, aminadong ‘di kayang abutin ang target na 6-M na pabahay sa ilalim ng Marcos admin

DHSUD, aminadong ‘di kayang abutin ang target na 6-M na pabahay sa ilalim ng Marcos admin

SA dalawang taon panunungkulan, bigo ang administrasyong Marcos na tuparin ang ipinangakong isang milyong pabahay kada taon para sa mga Pilipino.

Ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Project ng pamahalaan ay naglalayong magtayo ng isang milyong housing units taon-taon o 6-M pabahay hanggang 2028.

Sa pre-SONA briefing nitong Lunes, aminado si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar na mahihirapan silang makumpleto ang target na 6-M housing units sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Sa ngayon, mayroong 40 mga proyekto ang DHSUD na under construction sa iba’t ibang bahagi ng bansa na katumbas lamang ng 140,000 units.

“Matagal nga eh, kaya nga iyong ipinangako namin na 1-M, ang nangyari 140,000 lang kasi nga ganoon katagal iyong funding kapag ginawa mo itong private sector money,” ayon kay Sec. Jose Rizalino Acuzar, DHSUD.

Ipinaliwanag ni Acuzar ang naging hamon sa pagtatayo ng mga housing unit na ito.

“Dati po ang usapan, 6-M. Ang unang problema iyan, sinasabi ko nga sa iyo, pondo, eh lahat ng project natin, pera ang kailangan. Ngayon, ano ang kailangan naming gawin? So, humanap kami ng mga formula, kamukha ng interesante, lahat-lahat, nabuo na. Magbibigay na iyong gobyerno ng interest subsidy, pumayag na iyong Pag-IBIG, nagkasundo-sundo na kami. Ang isang problema namin iyong magtatayo, iyong construction,” saad ni Acuzar.

Binanggit din ng kalihim na mahirap para sa kanila na maghanap ng mga idle lands kung saan itatayo ang mga unit.

Sinabi ni Acuzar na kulang sa idle lands ang mga urban area o lungsod kung saan puwedeng magtayo ng mga housing unit.

Ibinahagi rin ng kalihim ang nararanasang pagkaantala dahil sa proseso ng pag-bid.

Dahil dito, ibinaba ng DHSUD ang kanilang housing target, mula sa dating anim na milyon ay magiging tatlong milyon na lamang ang target na pabahay ng pamahalaan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble