MAARI nang magamit bilang katibayan ng transaksyon sa Land Transportation Office (LTO) ang mga official receipt (OR) na naka-imprenta sa ordinaryong bond paper.
Kaugnay ito ng pagpapalakas ng paperless transactions at digitalization sa lahat ng tanggapan ng LTO sa bansa.
Sa pamamagitan ng memorandum na nilagdaan ni LTO Assistant Secretary Jose Arturo Tugade, hindi na magbibigay ng OR na nakaimprenta sa security paper ang para sa mga transaksyon na isinasagawa sa Land Transportation Management System (LTMS), online man o over-the-counter.
Inaatasan din ang lahat ng law enforcement officers na kilalanin o tanggapin ang OR na nakaimprenta sa ordinaryong bond paper.
Sa hiwalay naman na memo ni Tugade, inaabisuhan ang mga law enforcer na huwag nang obligahing magprisinta ng OR ang mga mahuhuling motorista kung nakapagpakita na ng driver’s license nito.
Samantala, gumagamit pa rin sa ngayon ng security paper para sa pag-imprenta ng certificate of registration (CR) ng mga sasakyan.