ISANG araw matapos na ipag-utos ni Marcos Jr. ang pagpapatigil sa lahat ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa, agad naman itong tinanggap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para matuldukan na ang mga ilegal na aktibidad na inuugnay rito.
Sa isang pulong balitaan, nilinaw ni Benhur Abalos ng DILG ang pakikipag-ugnayan niya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa mabilis na pagproseso sa pag-papaalis ng mga POGO sa bansa.
Aminado si Abalos na malaking hamon sa pamahalaan ang tuluyang pagtatanggal ng mga POGO dahil na rin sa mga Pilipinong manggagawa na posibleng maapektuhan nito.
Ayon kay Marcos dapat bago matapos ang taon ay tuluyan nang mabura ang POGO sa Pilipinas.
Pag-ban sa mga POGO, welcome development sa anti-criminality campaign sa bansa—PAOCC
Samantala, welcome development para sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang naging desisyon ni Marcos Jr. laban sa POGO.
Ayon kay PAOCC Executive Director, Usec. Gilbert Cruz, kaisa sila ng pamahalaan at ng iba’t ibang sektor sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
“The evident social ills caused by POGO outweighs whatever benefit it contributes to the Philippine economy. Thus, we are one with all the various sectors of society and government, as well, in committing ourselves to upholding peace and order of the country,” ayon kay Usec. Gilbert Cruz, Executive Director, PAOCC.
Giit pa ni Cruz, matagal nang hinahangad ng kanilang ahensiya maging ang iba pang mga tagapagpatupad ng batas gaya ng Philippine National Police (PNP) na matuldukan na ang operasyon ng POGO sa bansa.
“As the PAOCC and the Inter-Agency Council Against Trafficking in Person (IACAT) with all the agencies and law enforcement units that work tirelessly against POGO continue to hope for the government leadership to totally ban the POGO; we are grateful and relieved with the pronouncement of the President,” saad pa nito.
Nito lamang mga nakaraang buwan nang sunud-sunod ang naging operasyon ng mga awtoridad sa mga ilegal na pagpapatakbo ng mga POGO sa bansa.
Sa katunayan, kasalukuyan namang suspendido ang alkalde ng Bamban Tarlac na si Mayor Alice Guo matapos maugnay sa POGO.
Base sa imbestigasyon, malaki ang papel niya sa operasyon ng POGO hub sa Tarlac at Pampanga.
Agad namang ipinasara ang mga ito.
Nauna na ring pinangangambahan ng mga awtoridad na posible ring nagagamit ng mga politiko ang pera ng POGO para ikampanya ang isang tao sa eleksiyon.