INIHAYAG ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbibigay ng humanitarian aid sa mga overseas Filipino worker (OFW) na hanggang ngayon hindi pa nakukuha ang unpaid salary sa Saudi Arabia.
Libo-libo pa rin sa mga OFW ang umaasa na maibibigay na ang kanilang suweldo na hindi pa nababayaran sa Saudi Arabia simula pa 2015.
Matatandaan, November 2022 sa Bangkok Thailand, nangako si Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na babayaran nito ang unpaid salary ng mga nasa 10,000 OFW sa Saudi sa halagang 2 billion riyals.
Pero hanggang ngayon hindi pa natutupad ang pangako.
Ayon kay DMW Sec. Susan Ople, magbibigay ng humanitarian package ang pamahalaan habang inaantay pa ang bayarang suweldo.
Magtutulungan ang iba’t ibang ahensiya sa pagitan ng DMW at kaakibat nitong ahensiya gaya ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kabuoan, maglalaan ang mga ahensiya ng P50-M para masakop ang financial grant.
Ipinapaabot ng administrasyong Marcos ang tulong-pinansiyal sa mga hindi pa nababayarang suweldo ng OFW habang hinihintay pa ang pag-uusap ng Pilipinas at Saudi government na itinakda ngayong Marso.
Inatasan din ng Pangulong Marcos si Sec. Ople na gamitin nang husto at maayos na diplomasya sa pakikipag-usap sa gobyerno ng Saudi sa isyu ng hindi nababayarang suweldo.