PARA sa milyun-milyong Overseas Filipino Worker (OFW) na nagpapadala ng pera sa kanilang pamilya buwan-buwan, malaking kabawasan ang kahit maliit na buwis sa remittance. Kaya agad na kumilos ang Department of Migrant Workers (DMW) upang masiguro na may sapat na suporta at impormasyon ang mga Pilipino sa abroad sakaling maisabatas ang panukala.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nakipagpulong na siya kay Finance Secretary Ralph Recto upang talakayin ang mga implikasyon ng panukalang remittance tax, lalo na para sa mga OFW sa Estados Unidos.
Kabilang sa kanilang tinalakay ay ang pagpapatuloy ng mga financial education program para sa mga Pilipinong nasa ibang bansa, lalo na sa gitna ng lumalakas na halaga ng piso laban sa dolyar.
Bagama’t wala pang pinal na polisiya mula sa Estados Unidos, iginiit ni Cacdac na hindi pa dapat mag-spekula o magdulot ng hindi kinakailangang pangamba. Sa halip, nakatuon muna ang pamahalaan sa pagbibigay ng tamang impormasyon at kaalaman upang mapaghandaan ng mga OFW ang anumang posibleng epekto ng nasabing panukala, sakaling ito’y maisabatas.
“Pagkakaroon ng patuloy na financial education, so pinaghahandaan namin ang advice at mga programa na puwede naming ilaan para sa mga OFWs—not just for the matter of the proposed remittance tax but also sa paglakas nitong peso,” wika ni Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.
Ang remittance mula sa OFWs ay nananatiling pangunahing tagapagpaandar ng lokal na konsumo at isa sa mga haligi ng ekonomiya ng bansa. Umabot ito sa rekord na $38.3 bilyon noong nakaraang taon, na katumbas ng 8.3% ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas.
Tinatayang 40% ng kabuuang remittance ay galing sa US, bagama’t maraming padala ay dinaan lamang sa mga bangkong nakabase sa Amerika kahit mula sa ibang bansa nanggaling ang pera.
Ayon sa mga analyst, kung maisasakatuparan ang panukalang buwis, maaari itong makaapekto nang malaki sa takbo ng remittance flow at sa kabuuang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.