KINUMPIRMA ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na tinitingnan pa nila ang mga dokumento at kinakausap ang mga tauhan sa loob ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para matukoy kung ano talaga ang nangyari at bakit ito nangyari.
Nais nilang linawin ang mga detalye bago sila magbigay ng pinal na pahayag kaugnay sa pag-alis ni Arnell Ignacio bilang OWWA chief.
Una nang kinumpirma ni Malacañang Press Officer Claire Castro na posibleng masampahan ng kaso si Ignacio kaugnay ng P1.4B land deal—bagay na naging dahilan ng kaniyang agarang pagtanggal sa puwesto.
Ayon pa kay Cacdac, nag-bypass umano sa OWWA Board of Trustees ang P1.4B na kontrata para sa pagbili ng lupa—dahilan kung bakit itinuturing itong hindi awtorisado.
Ang lupa ay magiging lokasyon sana ng isang accommodation center o halfway house para sa Overseas Filipino Workers (OFWs), na ayon kay Cacdac ay hindi naman kinakailangan.
Kinumpirma rin ni Cacdac na may nangyari nang bayaran sa lupa na siyang iniimbestigahan na nila ngayon.
“Yes, nagkaroon ng transaction. There was a Deed of Absolute Sale and payment were [made]. Paano nakalusot ‘yun? Paano na-release? That one, another thing we’re looking [into],” saad ni Sec. Hans Leo Cacdac, Department of Migrant Workers.
Nagpaliwanag naman aniya si Ignacio kung bakit hindi dumaan sa Board of Trustees ang transaksiyon sa lupa.
“Tinalakay na rin ito sa board. Siguro I will say that, pag proper time na kapag may mga conclusion na tayong nakita, kasi sinusuri din natin ang kanyang mga dahilan. But of course, sa pananaw ko kulang ang mga dahilan na ‘yun, kaya’t nag-report na ako sa presidente,” aniya.
Ngayon na wala na si Ignacio, sabi ni Cacdac, mas bukas na at mas malaya na aniya silang tumingin at sumuri sa mga dokumento at kumausap sa mga tao para matukoy kung sino ang sangkot sa pagbili ng lupa.
Bukod kay Ignacio, wala pa naman aniyang mga tauhan ng OWWA ang natanggal o nasuspinde dahil sa hindi awtorisadong transaksiyon.
Samantala, itinalaga na bilang bagong OWWA Administrator si Migrant Workers Undersecretary Patricia Yvonne Caunan—isang beteranong abogado na eksperto sa labor, civil, administrative, at criminal law.
Matatandaan naman na si Ignacio ay itinalaga bilang OWWA chief noong 2022, sa huling taon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.