TINIYAK ni Department of Energy (DOE) Assistant Secretary Mario Marasigan na walang kakulangan sa suplay ng kuryente, dahil sapat ang suplay ng enerhiya sa bansa sa kabila ng umiiral na dry season.
Sa kabila nito, sumailalim sa maintenance shutdown ang ilan sa mga energy facility sa bansa. Paliwanag ni Marasigan, bahagi ito ng paghahanda ng kagawaran para matiyak ang maayos na operasyon ngayong tag-init.
“Dahil po iyong pong purpose kung bakit po nagsara iyong dalawang planta natin ng kuryente ay hindi po sa dahil may diperensa ang ating planta kung hindi po, nagbigay daan po ito para magkaroon na po at makapasok po ng serbisyo iyon pong tinatawag natin onshore gas storage facility na dati po o sa kasalukuyan ay umaasa tayo sa floating storage,” ayon kay Asec. Mario Marasigan, DOE.
DOE, tiniyak ang sapat na suplay ng kuryente sa halalan; energy task force, naka-activate na
Bilang paghahanda rin sa nalalapit na eleksiyon, tiniyak ng DOE na walang magiging problema sa suplay ng kuryente sa mismong araw ng botohan.
“Pinaghahandaan na rin po natin ang ating eleksyon na darating po ngayon ika-labing dalawa ng Mayo kung kaya’t lahat po ng paraan ay ating sinisikap para po makasigurado tayo na ang atin pong supply ng kuryente ay sapat at hindi po tayo magkakaroon ng problema,” ani Marasigan.
Sa kasalukuyan, in-activate na ng DOE ang Energy Task Force on Election, na kilala rin bilang Energy Resiliency Task Force.
Dalawang beses nang nakipagpulong ang ahensya sa Commission on Elections (COMELEC) upang tiyakin ang kahandaan ng mga pasilidad at iba pang kinakailangang lugar sa panahon ng halalan.
Nakapagbigay na rin ng abiso ang DOE sa mga stakeholder ng power industry kaugnay ng mga nararapat na hakbang upang mapanatili ang maayos na operasyon ng mga planta.
“Kasama na po diyan iyong ating kalatas na wala pong magko-conduct ng preventive or repair and maintenance program at least one week before and one week after the election; at kasama po niyan iyong kalatas natin na ang lahat po ng planta natin ng kuryente ay dapat handang magbigay to the full capacity po ng kanilang mga planta,” dagdag nito.
Kasabay rito, inatasan na ng DOE ang transmission at distribution systems na agad magsagawa ng masusing inspeksyon sa kanilang linya ng kuryente.
Layon nitong tiyakin na isang daang porsyento ang kahandaan ng bansa sa aspeto ng enerhiya sa araw ng halalan.