MATAPANG na humarap sa publiko si Jimmy Pascua, ang driver ng Nissan Navarra pick-up na nakaalitan ng motovlogger na si Alyanna Mari Aguinaldo o mas kilala bilang Yanna Motovlog sa Zambales, kamakailan.
Kasunod ito ng ipinadalang show cause order ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa insidente ng road rage na kinasangkutan ng nasabing influencer dahil sa umano’y pagpapakita nito ng hindi kanais-nais na asal.
Alas dos ng hapon ng Mayo 6 isinagawa ang pagdinig—ngunit bigong humarap dito ang motovlogger na si Yanna.
Tanging ang abogado niya na si Attorney Ace Jurado lamang ang sumipot.
“She cannot attend to this hearing because of security reasons, na-divulge ‘yung address niya. So, marami daw’ng threats ang dumarating sa kanya, mayroong nagpapadala ng kung anu-ano. Kaya, I highly suggest na sabi ko you remain sa house na lang. Baka, mamaya ano pa ang masamang gawin, we never tell,” Atty. Ace Jurado, Abogado ni Yanna Motovlog.
Napag-alaman sa hearing na ang motorsiklong ginamit pala ng motovlogger sa nangyaring road rage incident ay hindi nito pagmamay-ari.
Bigo rin ang abogado ni Yanna na isuko ang kaniyang lisensiya na pinatawan ng 90-araw na suspensiyon.
Sinabi ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Militante, posibleng maharap si Yanna sa paglabag matapos aminin nito sa viral video na walang side mirror ang minanehong motorsiklo.
“We want to see the motorcycle, the registration. The hearing today will not stop on Ms. Alyanna, we will go through the motorcycle itself because we want to know if that motorcycle is road worthy. Whether we like it or not, we will go to investigate kung sino si owner of the motorcycle and we want to see physically the motorcycle,” saad ni Atty. Renante Militante, Chief, LTO Intelligence and Investigation Division.
Yanna Motovlog, posibleng mabawian ng lisensiya
Inatasan ng LTO Intelligence and Investigation Division ang nasabing abogado na iharap at isuko sa darating na Huwebes, Mayo 7, ang motorsiklo at maging ang lisensiya ng motovlogger kasabay ng isasagawang pangalawang pagdinig.
Dagdag pa ng Intelligence and Investigation Division Chief, maaari ding maging batayan para sa kanselasyon ng lisensiya ng motovlogger ang kaniyang naging asal sa insidente.
“Pumapasok po ‘yun doon sa tinatawag na improper to operate the vehicle. Ito po ‘yung mabigat sa batas ng Republic Act 4136 Section B. Kasi po kahit wala kang violation sa kalsada pero tinitingnan po dito ‘yung behavior ng driver katulad po niyan hindi sila nagkasagian ni Sir Jimmy. Pero, mayroon po siyang gestures na disrespect doon sa the other driver,” wika ni Atty. Militante.
Sa panayam ng media kay Jimmy Pascua—matinding epekto raw ang idinulot na pagpapahiya ng lady rider sa kaniya at maging sa pamilya nito.
“Hindi na nakakalabas ng gaano, kagabi-gabi na lang ako umuuwi para makaiwas sa mga tao. Nagta-trabaho lang po ako, hindi ako mayaman, wala kaming lupain, drayber lang po ako roon, minaliit na rin po,” ayon kay Jimmy Pascua, Drayber ng pick-up na nakaalitan ni Yanna Motovlog.
Hindi rin aniya katanggap-tanggap ang public apology ni Yanna dahil halata naman aniya na hindi ito sinsero sa paghingi ng tawad.
Hindi nga aniya nito agad binura ang viral video kung saan kitang-kita ang kaniyang mukha—kaya desidido siyang sampahan ng reklamo si Yanna.
“Papaabutin po namin sa korte, kasi ‘yung sinabi ng kapatid ko na tanggalin ang video ay hindi naman pinatanggal kaya kakasuhan na lang po namin.”
“Pasensyahan na lang kami,” ayon pa kay Pascua.
Matatandaang, umabot sa puntong pinadalhan ng show cause order si Yanna Motovlog dahil na rin sa ginawang “middle finger” at pang-iinsulto rin sa drayber na si Jimmy Pascua habang binabaybay ang lubak-lubak na kalsada sa Zambales.
Umaasa ang LTO na magiging leksiyon ito sa lahat ng mga kilalang personalidad at maging sa mga ordinaryong Pilipino sa tamang disiplina at pag-uugali sa kalsada.