ISANG hakbang para mas maging ligtas at propesyonal ang ating pampublikong transportasyon sa kalsada ang isinusulong ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ito ay ang pagtatatag ng pambansang Driver’s Academy, kasunod ng lumalalang bilang ng mga aksidente sa daan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang hakbanging ito ay magpapatupad ng mga pangmatagalang solusyon para mapababa ang bilang ng mga nasasawi at masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ayon sa mga eksperto, ilan sa mga pangunahing dahilan ng tumataas na bilang ng mga aksidente ay ang kakulangan sa pormal na pagsasanay, kawalan ng patuloy na edukasyon para sa mga propesyonal na driver, at kakulangan sa mahigpit na regulasyon.
“There’s no continuing education, no behavioral monitoring, and no refresher courses on updated traffic laws. This creates a culture of recklessness and impunity,” ayon kay Engr. Danilo Reyes, Road Safety Specialist.
Sa ilalim ng panukalang ito, kinakailangang sumailalim ang mga driver ng public utility vehicle (PUVs) sa regular at mandatoryong pagsasanay sa defensive driving, mga batas trapiko, kaligtasan ng pasahero, stress at fatigue management, at tamang pangangalaga ng sasakyan.
Magkakaroon din ng behavioral assessment at digital attendance tracking para matiyak ang pananagutan ng bawat driver.
“This is not just another seminar. We envision a national institution that will define what it means to be a responsible, professional driver in the Philippines. If we want to save lives, we need to invest in the people behind the wheel,” ani Atty. Teofilo Guadiz III Chairperson, LTFRB.
Samantala, nagpakita naman ng suporta ang publiko sa nasabing panukala. Ayon sa survey ng Transport Reform Coalition, pito sa bawat sampung commuter ang naniniwalang kailangang sumailalim ang mga PUV driver sa periodic training bago makapag-renew ng prangkisa o permit.
Kasabay nito, may mungkahing batas na rin umano sa Kongreso na layong gawing mandatoryo ang certification mula sa Driver’s Academy bago payagang mag-operate ang isang PUV.
Ipinahayag naman ni Transportation Secretary Vince Dizon na buong suporta ang Department of Transportation sa inisyatibo, para tiyaking mas ligtas at mas maaasahan ang pampublikong transportasyon sa bansa.
Sa kabila ng inaasahang mas mabigat na trapiko sa mga darating na buwan, lalo na sa Metro Manila, itinuturing ang Driver’s Academy bilang mahalagang hakbang tungo sa mas responsableng pagmamaneho at mas ligtas na mga lansangan.