LUMIBAN si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ginanap na pagpupulong ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Cebu ngayong araw.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, puno ang iskedyul ni Pangulong Duterte ngayong araw para sa mga pagpupulong kaugnay ng polisiya ng gobyerno para sa COVID-19 pandemic.
“I have no idea other than he’s got a full schedule also in the Palace. As you know, in the afternoons, we are fully booked,” pahayag ni Roque.
Aniya, hindi kasama sa official schedule ng presidente ang PDP assembly kung saan si Pangulong Duterte ang chairman ng partido.
“Alam ninyo, chairman po ng partido ang Presidente pero hindi naman po pupuwedeng diktahan ni Presidente kung ano ang gagawin ng partido. Kaya nga po nagpupulong na ganyan para malaman kung anong direksyon ang tatahakin ng partido, at importante rin na iparating sa mga miyembro ng partido kung ano ang mga nagawa na ng kanilang chairman nitong nakalipas na limang taon,” paliwanag ni Roque.
“I understand na sa agenda, bulk of it will be to report on the party the gains made by the President,” dagdag ni Roque.
Gayunpaman, inatasan ni Pangulong Duterte si Energy Secretary Alfonso Cusi na i-convene at pangunahan ang pagpupulong ng PDP-Laban.
“I think it’s enough that the president signed in writing a memorandum authorizing Secretary Cusi to call the meeting today and maybe announced it yesterday,” ayon pa kay Roque.
Samantala, batay sa inilabas ng Malakanyang na iskedyul ni Pangulong Duterte ngayong araw, nakipagpulong ang punong ehekutibo kay Cebu Governor Gwen Garcia kaninang hapon.
Ito ay may kaugnayan sa desisyon ng gobernadora na paglihis ng probinsya sa polisiyang itinakda ng national government pagdating sa COVID-19 testing para sa returning overseas Filipinos.
“Pero ang pag-uusap po, kung mapapatupad pang tuluyan itong kakaibang protocols pagdating sa mga OFWs at returning Filipinos ay pag-uusapan po mamaya ni Governor Gwen Garcia at ng ating Presidente,” ani Roque.
Ang meeting ni Pangulong Duterte kay Governor Garcia ay susundan naman ng pagpupulong kasama ang ilang myembro ng Inter-Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Sa naturang pulong, inaasahan na iaanunsyo ni Pangulong Duterte ang bagong klasipikasyon ng quarantine measures para sa buwan ng Hunyo.
“Una po iyong meeting with Cebu Governor Garcia pagkatapos po iyong meeting with small IATF group. Dahil trenta’y uno na po ngayon ng Mayo, sigurado pong iaanunsiyo mamaya ang quarantine classification para sa darating na buwan ng Hunyo,” ani Roque.
Kaugnay doon sa PDP Laban assembly, una nang kinumpirma ng Malakanyang na mismong ang Pangulo ang nag-utos na magpulong ang mga miyembro ng PDP-Laban.
Kasunod ito ng tensyon sa pagitan nina PDP-Laban President Sen. Manny Pacquiao, at Vice-Chairman na si Energy Sec. Alfonso Cusi.
(BASAHIN: Malakanyang, dumistansya sa inilunsad na ‘Duterte Parin Movement’)