NAKATAKDA pa ring mabakunahan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng ikalawang dosis ng Sinopharm sa kabila ng mandato nitong i-pullout ang nasabing bakuna.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ang pahayag ng Pangulo na ibalik ang Sinopharm vaccine ng China dahil hindi pa ito nakakuha ng emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA) ng bansa.
“Hindi ibabalik yung pang second dose ni Presidente para matapos niya ang second dose niya,” ayon kay Roque.
Inaasahang matatanggap ni Pangulong Duterte ang ikalawang dosis ng Sinopharm vaccine 21 hanggang 28 na araw matapos ang unang bakuna nito noong Lunes, Mayo 3 na pinangasiwaan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Pursigidong maibalik ni Pangulong Duterte ang mga nasabing bakuna sa China maliban na lamang kapag ito ay makatanggap ng EUA upang maiwasan ang kontrobersiya ng kanyang pagpapabakuna.
“Ang sabi ni Presidente, para mawala na ang kontrobersiya dahil marmi ngang nagreklamo na kinuha niya ang Sinopharm maski meron naman po itong compassionate use eh para mawala na ‘yung ganyang mga kritisismo at habang siya pa lang ang gumagamit ng 1,000 na pagbakuna, siyempre mas mabuting ibalik na muna sa Tsina,” ayon kay Roque.
Aniya, maaaring magbago ang desisyon ng Pangulo kapag mabigyan na ng EUA ang Sinopharm.
“Tingnan po natin kung anong mangyari because who knows? Since the EUA naman has been given to Sinopharm in 25 other countries baka tama po kayo, mapabilis naman po yung proseso ng pagkuha ng EUA,” dagdag ni Roque.
Mayroong 1,000 dosis ng Sinopharm ang binigay donasyon ng China sa Pilipinas na inisyuhan ng compassionate use permit para lamang sa Presidential Security Group (PSG) Hospital.
“Sa donasyon, it is found in all legal system that’s an act of beneficence, generosity of the donor. So, wala naman pong usaping na requirement para mag-donate,”ayon pa kay Roque.
(BASAHIN: Pagpapabakuna ni Duterte gamit ang Sinopharm vaccine, welcome development- local distributor)