NANGUNA ang mga pambato ng DuterTEN Senate Slate sa OFW online voting sa Spain.
Kapwa nanguna sa listahan sina Senator Bong Go at Bato dela Rosa, na nagpakita ng malakas na suporta mula sa mga Pilipino sa naturang bansa.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang mga pambato ng DuterTEN Senate Slate na pumasok sa mga top spot ng botohan.
Pero, napansin ng Philippine Embassy sa Spain ang mababang turnout ng mga bumoto.
Sa mahigit 23,000 na nagparehistro para sa halalan, 4,856 lamang ang aktwal na bumoto.
“Tinatantiya namin wala pa sa 20% ng lahat ng mga nagrehistrong bumoto ang nakaboto para sa halalang ito,” pahayag ni Mark Francis Hamoy, Deputy Head of Mission and Consul General.
Aminado ang embahada na nanibago ang karamihan sa mga kababayan natin sa bagong overseas online voting.
Ngunit sa kabila nito, nagsagawa ng masigasig na hakbang ang Philippine Embassy sa Spain sa pamamagitan ng pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa para turuan ang mga Pilipino kung paano bumoto nang maayos sa online system.
Kabilang sa mga reklamo ay ang hindi pagtanggap ng voting link, error sa system, at ang ilan ay hindi makapag-log in kahit kumpleto ang credentials.
May mga pangamba rin ang ilan sa seguridad ng sistema tulad ng kung mabibilang nga ba nang tama ang kanilang boto at kung protektado ang kanilang impormasyon.
Subalit, binigyang-diin ni Consul General Mark Francis Hamoy na, sa kabila ng mga balakid, may mga kababayan tayong nagpakita ng determinasyon para i-exercise ang kanilang karapatang bumoto.
“Sana sa susunod na halalan ay maayos lahat ng mga naging balakid o naging problema sa pagdisenyo ng sistema para mas madali para sa lahat,” ani Hamoy.
Mga Pilipino sa Espanya, hinimok na lumahok at bumoto sa susunod na eleksiyon
Bagamat mababa ang turnout sa nagdaang eleksyon, umaasa ang Philippine Embassy sa Spain na mas maraming Pilipino ang lalahok sa susunod na halalan.
“Ang aking panawagan sa ating mga kababayan ay magbubukas na rin ulit ang ating pagpaparehistro para sa halalan 2028 at mahalaga po ang halalan na yun dahil yun ang ating presidential election,” dagdag ni Hamoy.
“Kahit malayo tayo dito, ang boto niyo ay may epekto sa halalan natin—sa pagpili ng ating mga pinuno,” wika ni Consul Eric Valenzuela.
Sa kabila ng resulta ng eleksiyon, ay mananatiling matatag ang mga OFW sa Spain at EU sa pagbibigay suporta sa mga kandidato ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.