INIHAYAG ng Department of Migrant Workers (DMW) na simula Hunyo ngayong taon, ang DMW Mobile App ay magiging bahagi na ng eGov PH Super App.
Layunin ng hakbang na ito na pagsamahin ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa isang platform para mas mapadali ang pagproseso ng mga dokumento ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa pamamagitan ng E-Travel App, kung saan isang portal na lamang ang kailangang puntahan para sa iba’t ibang serbisyo ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, ang DMW Mobile App ang ginagamit ng kagawaran para bigyang-daan ang mga OFW na makakuha ng digital Overseas Employment Certificate o OFW Pass, na maaaring gamitin sa kanilang pag-alis at pagbabalik sa bansa. Bukod rito, naglalaman din ito ng impormasyon tungkol sa kanilang kontrata, pasaporte, at iba pang mahahalagang detalye.
Nagkasundo ang DMW at Department of Information and Communications Technology (DICT) na simulan na ang pagbuo ng iisang proseso. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang ulit-ulitin ng mga OFW ang paglalagay ng impormasyon sa iba’t ibang platform.
“’Yung pagkalinga sa ating pamahalaan ang importante dito sa eGov initiative, combining the eTravel system with the DICT. So ang ibig lang sabihin, mas mabilis ang serbisyo ng ating pamahalaan, mas nararamdaman niyo ang pagkalinga ng ating pamahalaan at siyempre mas mabilis ang ating aksyon,” saad ni Usec. Dominique Tutay, Department of Migrant Workers.
Ang eGov PH Super App ay isang inisyatibo ng DICT na naglalayong pagsamahin ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan sa isang mobile application.
Tiniyak din ng DMW na sa pinagsamang digital platform, asahan ng mga OFW na ang mga serbisyong kanilang nakukuha sa DMW Mobile App ay mananatili—at higit pa rito, magkakaroon din ng plataporma kung saan maaari silang magsumbong o maghain ng reklamo.
“’Yung mga hinaing ng ating mga kababayan, kapag dumating sila sa Presidential Action Center, dito po sa i-la-launch natin sa San Juan, mayroon tayong action officers na naka-assign din po, para agad tumugon sa kanilang mga problema,” wika ni Usec. Dominique Tutay, Department of Migrant Workers.